Edd Reyes

Oplan Greyhound dapat ibalik

Edd Reyes Mar 19, 2025
20 Views

TILA nanlamig na raw ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa pagsasagawa ng “Oplan Greyhound” na bahagi ng kanilang masigasig na paglaban sa ilegal na droga at iba pang kontrabando sa loob ng mga nasasakupan nilang jail facilities.

Noon kasing kasagsagan ng mainit na balita na talamak ang ilegal na droga at iba pang kontrabando sa loob ng mga jail facility ng BJMP, katuwang pa nila ang Department of Interior and Local Government (DILG), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) sa Oplan Greyhound na halos araw-araw isinasagawa sa iba’t-ibang jail facilities sa Metro Manila.

Kaya lang, nang lumamig ang isyu, balik daw muli at mas talamak pa ang mga raket sa ilang mga jail facility na may basbas pa umano ng mismong Jail Warden.

Sa isa ngang jail facility sa southern area ng Metro Manila, pumalag na ang mga dalaw at kaanak ng mga persons deprived of liberty (PDL) dahil bawa’t dalaw, may mandatory toll na P30 umano na kung tawagin ay “calling”.

Hindi lang yan, talamak din daw ang pagpasok ng alak at sigarilyo sa loob ng pasilidad na ang tumatanggap ay isang babaeng jail officer na bagyo ang dating kay Warden at ibinebenta sa mga PDLs sa halagang P400 kada bote at P400 din kada stick ng yosi.

Inilalagay daw muna sa plastic na galon ang alak para hindi halata at sa loob na ng pasilidad isinasalin sa bote na nilalagyan pa ng label ng bantog sa brandy.

Raket din daw ng jail officer na payagan ang conjugal visit ng hindi mag-asawa kapalit ng P200 na bayad, pati na rin ang “bidding” ng mga pangkat ng “Sputnik”, “Batang City Jail”, at “Cuerno” sa mga Chinese nationals na dinadala sa naturang pasilidad.

Kung anong pangkat ang makakapag-bid umano ng P30K, sa kanila mapapasama ang dayuhan na tiyak na gagawing palabigasan.

Totoo man o hindi ang bintang ng mga kaanak at dalaw ng mga PDLs sa mga iregularidad sa pasilidad na sakop ng BJMP, dapat siguro ay muli nilang ibalik ang sorpresa at hindi moro-morong Oplan Greyhound.

Navotas City, pilot site ng programang e-Panalo ang Kinabukasan ng DSWD

LAKING pasasalamat nina Navotas Rep. Toby Tiangco at Mayor John Rey Tiangco kay Secretary Rex Gatchalian ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) dahil pinili ang kanilang lungsod para ilunsad ang e-PANALO ang Kinabukasan program.

Dahil dito, may 50 miyembro ng 4Ps ang tumanggap ng mobile phones para magamit nila sa digital transactions at financial platforms habang 852 pa na dumalo ang nakatanggap ng tig-P2,000 tulong pinansiyal.

Sabi ni Rep. Tiangco, hindi lang mapapabilis at mapapadali ang pagbibigay ng tulong sa mga benepisyaryo ng 4Ps sa naturang programa ng DSWD kundi mabubuksan pa ang kanilang kaalaman sa makabagong teknolohiya at makabuo ng mas matibay na pundasyon sa karunungan sa pananalapi.

Nagpasalamat din sina Rep Toby Tiangco at Mayor John Rey Tiangco kay Sec. Gatchalian sa kanyang dedikasyong gawing makabago ang pagkakaloob ng mga serbisyong panlipunan.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected].