BI Photo Bureau of Immigration

5 Tsino arestado kaugnay sa sidikato na gumagamit ng pekeng dokumento

Jun I Legaspi Mar 27, 2025
36 Views

NABUNYAG ng mga tauhan ng Bureau of Immigration ang isang sindikato na gumagamit ng pekeng pagkakakilanlan ng mga Pilipino upang makapagtayo ng negosyo at makapagpagpatrabaho ng mga ilegal na dayuhan.

Ito ay makaraang maaresto ng BI sa Digos City, Davao del Sur ang isang Chinese national na kinilalang si Bangdie Pan, 50 taong gulang, na gumagamit din ng alyas na Ditdit.

Si Pan ay nadiskubreng aktibong namamahala sa isang hardware store na nakarehistro sa isang umano’y Pilipino, na ngayon ay iniimbestigahan ang tunay na pagkatao.

Ayon kay Melody Penelope Gonzales, deputy chief for Administration & Operations – Mindanao ng BI intelligence division, isinagawa ang operasyon sa tulong ng Philippine Army’s 39th Infantry Battalion, 1002nd Brigade, 10th Infantry Division, Philippine National Police, at mga operatiba ng gobyerno sa Region 11.

Nakita sa rekord na may work visa si Pan na inisyu sa isang kumpanya sa Pasig City, subalit ilegal siyang nagtatrabaho sa Davao del Sur.

Ayon sa mga empleyado ng hardware, walang totoong Filipino owner ang negosyo at peke ang mga dokumentong ginamit sa pagpaparehistro nito.

Samantala, noong Marso 24, 2025, apat pang Chinese nationals ang inaresto ng BI intelligence operatives sa isang operasyon sa Mlang, North Cotabato. Kinilala ang mga ito bilang Zhongyi Tang, 62; Tianpei Wu, 51; Dezhen Liu, 62; at Wang Lianxu, 53.

Natuklasan na ilegal na nagtatrabaho ang apat sa isang chemical manufacturing plant.

Sa masusing pagsisiyasat, nakuha rin ng BI ang mga pekeng birth certificates at iba pang dokumento na nagpapakitang nagpapanggap si Liu bilang isang Pilipino.

Ayon sa mga empleyado ng planta, nakarehistro ang kumpanya sa pangalan ng isang Filipina na hindi nila kailanman nakita simula nang magsimula ang negosyo. Isang Chinese na nakabase sa Maynila ang tunay na nagpapatakbo ng kumpanya.

Nagpahayag ng pangamba si BI Commissioner Joel Anthony Viado sa lumalaganap na modus operandi kung saan ang mga ilegal na dayuhan ay nakakakuha ng pekeng dokumentong Pilipino upang makapagtayo ng negosyo sa bansa.

Dahil dito, nanawagan siya ng mas mahigpit na regulasyon sa pag-iisyu ng mga Filipino documents at identification cards upang maiwasan ang ganitong pang-aabuso.

Lahat ng limang Chinese nationals ay nahaharap sa deportation charges sa BI.