Acidre House Assistant Majority Leader Jude Acidre

Paglaban sa fake news responsibilidad ng lahat – AML Acidre

23 Views

INAASAHAN sa pagdinig ng House tri-committee sa Martes na mabigyang linaw ang lawak at epekto ng lumalalang problema sa fake news at disinformation sa bansa, ayon sa isa sa mga lider ng Kamara de Representantes.

Kasabay nito ay iginiit ni House Assistant Majority Leader Jude Acidre ng Tingog Party-list na ang paglaban sa pagpapakalat ng maling impormasyon ay responsibilidad ng lahat.

“Alam ko may pagdinig po sa April 8. Asahan ho natin na mas lalo pong lilinaw itong phenomenon ng fake news,” ani Acidre.

“Mas lalo pong lilinaw ang overall na konteksto kung bakit kailangan nating sugpuin itong disinformation,” ayon pa kay Acidre, chairman ng House committee on overseas workers affairs.

Binigyang diin ni Acidre na ang paglaban sa disinformation ay obligasyon ng bawat sektor sa lipunan.

“Tungkulin ho natin lahat, lalong-lalo na kasama na ho doon ang ating mga kaibigan sa media, na talagang patatagin natin, palakasin natin ang kabuuan ng ating lipunan sa pagsugpo,” dagdag ni Acidre.

Sabi pa ni Acidre, hindi dapat ginagamit ang terminong fake news para sa mga impormasyon na hindi nakabatay sa katotohanan.

“Ayaw ko pong gamitin ang word na fake news. Kasi sa totoo lang, dapat ang news lang na ating ituturing ay ‘yung news na galing sa solido at totoong mga sources,” sabi ni Acidre.

Punto niya, ang mga mapanlinlang at sensationalized na mga content sa social media ay hindi maaaring ikonsidera bilang lehitimong balita.

“Hindi po natin pwedeng tawaging news itong mga sensationalism na ginagawa sa internet lalong lalo na sa social media,” dagdag niya.

Kailangan din ani Acidre na ihiwalay at matukoy ang mga nagpapakalat ng maling impormasyon.

“We need to isolate all these purveyors of fake news or disinformation or misinformation,” sabi niya.

“We need to make sure that the people are aware kung ano talaga ‘pag sinabing hindi niya kayang panindigan ‘yung kanyang sinabi,” saad pa niya.

“Pag sinabing galing lang din sa TikTok ang kanyang source. ‘Pag sinabing opinyon lang niya at wala siyang pakialam kung ano ang consequences ng kanyang sinasabi, eh magisip-isip na ho tayo,” ani Acidre.

Kinilala naman niya ang mga lehitimong mamamahayag sa pagpapanatili ng mataas na antas ng pagberipika.

“Alam ho ng ating mga kaibigan sa media na napakadetalye ho ng ating regulations to ensure the verification,” ani Acidre.

Bagaman ang mga Pilipino ay may karapatan sa kanilang sariling mga opinyon, binigyang-diin ni Acidre na walang sinuman ang may karapatang gumamit ng mga personal na pananaw bilang batayan ng mga kasinungalingan o pag-atake laban sa iba.

“Maaaring magkakaiba tayo ng opinyon, paninindigan, pero hindi po natin karapatan na gamitin ang ating opinyon para magpakalat po ng kasinungalingan, para po magpakalat ng paninira sa ibang mga tao,” ani Acidre.

Babala pa niya, nakakapahamak ang disinformation kapag nagiging banta na ito sa kaligtasan ng publiko.

“Lalong-lalo na kung ang paninirang ito o ‘di kaya ‘yung pagsisinungaling na ito ay makakaapekto na ho sa seguridad at kaligtasan ng ating pamayanan, ng ating mga kababayan at ng taumbayan,” saad ni Acidre.

Una nang ipinatawag ng House tri-comm ang mga digital content creator na umano’y nagpapakalat ng mali o mapanirang content sa social media.

Ilan sa kanila ay bigong humarap sa komite kung saan pinag-uusapan ang pagkakaroon ng mas mabigat na mekanismong legal para masiguro ang pananagutan ng mga nagpapakalat ng maling impormasyon.