Calendar

Farmer-irrigators kay Speaker Romualdez: Salamat sa suporta, proyektong patubig
NAGPASALAMAT ang mga magsasaka at irrigators kay Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa patuloy nitong suporta sa mga mahahalagang programa upang mapatubigan ang mga taniman, gaya ng mga solar-powered pump irrigation project (SPIP).
Ipinahayag ng mga magsasaka at irrigators ang kanilang pasasalamat kay Speaker Romualdez sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga benepisyong nagdudulot ng malaking pagbabago sa kanilang buhay, sa ginanap na National Congress of Irrigators’ Associations sa Canyon Woods Resort sa Batangas kamakailan.
Sa nasabing event, tiniyak ni Speaker Romualdez ang patuloy na suporta ng Kongreso sa mga proyekto ng patubig, na tumatalima sa hangarin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na paramihin ang produksyon ng agrikultura upang mapatatag ang seguridad ng pagkain sa bansa.
Sa testimonya ni Rizalinda Cagalawan, isang farmer-irrigator mula sa Misamis Oriental, sinabi niyang nagkaroon ng malaking pagbabago ang kanilang kabuhayan dahil sa proyekto ng patubig.
“With this irrigation project in Balingasag, water was made readily available, and our livelihood has greatly improved,” aniya.
Si Teresita Chua, presidente ng Lumayang Irrigators Association Inc. sa Zamboanga City, ay nagpatunay din ng mga positibong pagbabago: “We are very grateful because our lives have improved. We are no longer tired (of having to fetch water far somewhere else), especially us senior farmer-irrigators.”
Ipinahayag din ni National Irrigation Administration (NIA) Administrator Eduardo “Eddie” Guillen ang pasasalamat ng mga magsasaka para sa suporta ng Kamara na pinamumunuan ni Speaker Romualdez.
“Thank you, Speaker Romualdez, for your unwavering support to NIA and our hardworking farmers,” ayon kay Guillen. “Your commitment uplifts our agency and the lives of countless rural communities who rely on irrigation and agriculture for their future.”
Sa kanyang mensahe sa mga irrigator at magsasaka, binigyang-diin ni Speaker Romualdez ang pangako ng Kamara na maglalaan ng sapat na pondo para sa mga proyektong ito.
Binanggit niya kung paano tinutulan ng Kamara ang mga mungkahi mula sa Senado na bawasan ang budget ng NIA ngayong taon kaya nabigyan ang ahensya ng P69.4 bilyong pondo, na malaki ang itinaas kumpara sa orihinal na alokasyon.
“Hindi na po kailangang ipaliwanag pa kung gaano kahalaga ang papel ng patubig sa buhay ng magsasaka. Kung walang patubig, walang ani. Kung walang ani, walang pagkain sa hapag ng bawat pamilyang Pilipino,” ayon kay Speaker Romualdez.
Ang pagtatayo ng mga SPIP ay bahagi ng plano ng administrasyong Marcos upang mas mapabuti ang sistema ng patubig sa bansa na magpapalakas sa sektor ng agrikultura.
Ayon kay Guillen, ang SPIP ay cost-effective at nagkakahalaga lamang ng P200,000 hanggang P300,000 para mapatubigan ang bawat ektarya, malayo sa P1.2 milyong kakailanganin sa paggamit ng tradisyunal na sistema. Mas mabilis din umanong itayo ang mga SPIP kumpara sa tradisyunal na sistema.
Tinukoy din ni Guillen ang mga benepisyo ng mga proyekto sa kalikasan, at ang pagsuporta nito sa adbokasiya ng renewable energy upang matulungan ang paglutas sa mga isyu ng pagbabago ng klima.
Ang mga SPIP ay angkop gamitin sa mga malalayong sakahan na hindi kayang maabot ng mga tradisyunal na sistema ng patubig, pati na rin sa panahon ng tagtuyot tulad ng El Niño, kasabay ng pagbaba ng gastusin ng mga magsasaka sa operasyon dahil hindi na nila kakailanganing gumastos sa diesel o gasolina upang paandarin ang mga pump.