Calendar
Panuntunan sa mga bagahe na papayagan sa MRT-3 inilabas
NAGLABAS ng panuntunan ang pamunuan ng Metro Rail Transit 3 (MRT-3) kaugnay ng mga bagahe na maaaring ipasok ng pasahero sa loob ng tren.
Ang bagahe ay hindi umano maaaring lumagpas ang sukat sa 2ft. x 2ft. at dapat maaaring ma-inspeksyon ang laman.
Ang stroller na ginagamit para sa mga bata na dalawang taong gulang pababa ay dapat itiklop.
Maaari ring magpasok ng folding bike kung ang gulong nito ay hindi lalagpas sa 20 pulgada ang diametro.
Ang karne, isda, o daing ay dapat na silyado.
Ang pagpasok ng mga domesticated animal gaya ng aso at pusa ay maaaring ipasok kung ito ay nasa kulungan na hindi lalagpas sa 2 ft. x 2ft., ang laki.
Isang pet lamang ang maaaring dalhin ng bawat pasahero. Bawal din na pakainin ito habang nasa biyahe.
Ang kulungan ay hindi rin maaaring ilagay sa upuan na nakalaan para sa mga pasahero.
Kung magkakalat ang dalang hayop, ang may-ari ang maglilinis nito.
Kailangan ding pumirma ng waiver ng may-ari na walang magiging pananagutan ang MRT-3 kung anuman ang mangyari sa dalawang hayop habang nasa biyahe.