Calendar

Jowang may boga na, senglot pa inaresto
IPINAHULI ng 29-anyos na babae ang lasenggo niyang ka live in habang gumagala na may dalang baril noong Sabado sa Malabon City.
Mismong si alyas Josie ang tumawag sa mga pulis upang isumbong ang senglot na kalive-in na pagala-galang muli sa kanilang lugar na may bitbit na baril alas-2:30 ng madaling araw.
Nang magtungo sa Saint Gregory Homes ang mga tauhan ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, naispatan nila ang suspek na si alyas Emanuel, 33, na paekis-ekis pa ang lakad habang naka-bukol ang puluhan ng baril sa kanyang baywang.
Nilapitan nina P/MSg Cesar Bandol Jr. at Pat. Renerio Macabeo ang amoy-alak na suspek at kinumpiska ang hindi lisensyadong kalibre .38 na kargado ng dalawang bala.
Ayon kay Col. Baybayan, kalaboso na ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10592 (Comprehensive Firearms and Ammunition Act) at BP-881 o ang Omnibus Election Code.