Tulak

Hinihinalang tulak nakuhanan ng halos P1M shabu sa Taguig

Edd Reyes Apr 23, 2025
17 Views

HALOS isang milyong halaga ng shabu ang nakumpiska ng pulisya sa hinihinalang tulak ng ilegal na droga sa ginawang buy-bust operation Martes ng gabi sa Taguig City.

Dakong alas-10:20 ng gabi nang arestuhin ng mga tauhan ni Taguig Police Chief P/Col. Joey Goforth sa Legaspi St. Purok 2, Brgy. Upper Bicutan si alyas “Bikoy”, 38 nang tanggapin ang P5,500 na markadong salapi sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng ibinentang shabu.

Sa ulat ni Goforth kay Southern Police District (SPD) Acting Director P/BGEN. Joseph Arguelles, mahigit isang linggo nilang tinitiktikan ang pagtutulak ng ilegal na droga ni alyas Bikoy hanggang pumayag na makipag-transaksiyon sa isa nilang tauhan na nagpanggap na buyer.

Umabot sa 150 gramo ng shabu ang nakumpiska sa suspek na nagkakahalaga ng P988,380, pati na ang buy-bust money na kinabibilangang ng isang tunay na P500 at limang pirasong tig-P1,000 boodle money.

Sa pahayag ni BGen. Arguelles, mananatiling matatag ang kampanya nila laban sa ilegal na droga, patunay ang pagkakadakip nila sa High Value Individual (HVI) na tulad ni Bikoy na nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng R.A 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.