Sara

VP Sara nililigtas sarili na mahatulan ng guilty sa impeacment trial kaya nag-endorso ng mga kandidato para sa Senado — HR lawyer

16 Views

NANINIWALA ang isang kilalang human rights lawyer na ang pag-endorso ni Vice President Sara Duterte sa mga senatorial candidates ay naglalayon na iligtas ang kanyang sarili na mahatulan na guilty sa impeachment trial at hindi para sa kapakanan ng publiko.

Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Atty. Antonio “Audie” Bucoy, miyembro ng Free Legal Assistance Group (FLAG) at ng Movement of Attorneys for Brotherhood, Integrity and Nationalism (MABINI), na ang biglaang pagsuporta ni Duterte sa mga tumatakbong senador ay nagpapakita ng kanyang pangamba na ma-convict ng Senate impeachment court.

“Iyon pong pag-endorso niya para pong indikasyon na hindi siya nakasisiguro sa numero ng boto na makukuha niya para hindi siya ma-convict. Naniniguro siya by endorsing two additional candidates,” ani Bucoy, managing partner ng Bucoy Poblador & Associates.

Ang pag-endorso ni Duterte kina Sen. Imee Marcos at Las Piñas City Rep. Camille Villar ay tinawag ni Bucoy na malinaw na tangkang impluwensyahan ang magiging desisyon ng Senado.

Sinabi ni Bucoy na ang pag-endorso ni Duterte ay salungat sa mga nauna nitong pahayag sa publiko na kumpiyansa siyang mapapawalang-sala sa mga paratang laban sa kanya.

Sa kabila ng mga pahayag ng Bise Presidente na siya at ang kanyang mga abogado ay handa na, sinabi ni Bucoy na iba ang ipinapakita ng kanyang mga kilos.

Idinagdag pa niyang ang reklamong impeachment na inihain ng Kamara ay hindi isang political stunt kundi isang seryosong kaso na may kalakip na mga dokumento.

“Sigurado po ako pagdating ng trial sa Senado, kumpleto ang kanilang papeles. Baka nga makapagsusog pa sila,” ani Bucoy.

Ipinunto niyang ang pitong Articles of Impeachment na inihain ng Kamara ay maaaring ibuod sa tatlong pangunahing kategorya: destabilization at pagbabanta sa buhay nina Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez; pagtataksil sa tiwala ng publiko; at malawakang korapsyon.

“For me, the most important is the third—massive corruption and plunder of public funds,” ayon kay Bucoy.

Binigyang-diin niyang ang mga pondong umano’y naabuso sa ilalim ng pamumuno ni Duterte bilang Bise Presidente at Kalihim ng Edukasyon ay sana’y napunta sa mga silid-aralan, serbisyong pangkalusugan, at tulong para sa mga maralitang pamilya.