Martin4

Mataas na rating ni Speaker Romualdez patunay na ‘We are in capable hands’— SDS Gonzales

Mar Rodriguez May 1, 2025
20 Views

ANG mataas na rating na nakuha ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ay patunay umano na nasa mabuting kamay ang Kamara de Representantes, sa kabila ng walang tigil na mga atake sa pulitika at pagkalat ng fake news, ayon kay Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr.

Ang tinukoy ni Gonzales ay ang Tugon ng Masa survey ng OCTA Research noong Abril 2025, kung saan nakakuha si Speaker Romualdez ng 54 porsyentong trust rating sa buong bansa, bilang patunay ng kanyang matatag na pamumuno sa gitna ng magulong pulitika.

Dagdag pa niya, ang patuloy na tiwala ng taumbayan kay Speaker Romualdez ay sumasalamin sa lakas at pokus ng House of Representatives sa ilalim ng kanyang pamumuno.

“Alam naman nating madami ang naninira kay Speaker sa nagkalat na fake news sa social media, pero tahimik lang siyang nagtratrabaho para sa kapakanan ng ating mga kababayan. Hindi siya basta bumibitaw sa responsibilidad, hindi basta bumibigay sa hamon,” ani Gonzales.

Batay sa survey na isinagawa mula Abril 2 hanggang 5, nananatiling matatag ang trust ratings ni Speaker Romualdez sa buong bansa, na may pinakamataas sa Visayas na 64 porsyento, at 61 porsyento sa mga Pilipinong kabilang sa Class E.

Ayon kay Gonzales, ang patuloy na mataas na trust rating kay Romualdez, sa kabila ng maiingay na isyung pulitikal, ay nagpapakita ng malawak at inklusibong suporta mula sa taumbayan.

“Nakikita naman natin na napakalala ng pulitika ngayon sa ating bansa. Kaliwa’t kanang batikos na wala namang basehan. Pero hindi natitinag ang taumbayan. Hindi na sila naniniwala. Nakikita nila kung sino ang totoong nagsisilbi sa bayan, kung sino ang tuloy-tuloy ang paglilingkod,” ani Gonzales.

Binigyang-diin ni Gonzales na ang pamumuno ni Speaker Romualdez ay nagsisilbing matibay na haligi, hindi lamang ng Kamara kundi ng buong bansa.

Idinagdag niya na ang mataas na tiwala kay Speaker ay repleksyon rin ng tiwala ng publiko sa House of Representatives, na sa ilalim ng kanyang pamumuno ay nakapagpasa ng maraming mahahalagang batas na layong protektahan ang ekonomiya, palakasin ang mga serbisyong panlipunan, at tiyakin ang kapayapaan at kaayusan sa buong bansa.

“We are in capable hands, and the Filipino people know it. Their continued trust is the clearest affirmation of the kind of leadership that the House and the nation need today,” ani Gonzales.