Dizon

NAIA 3 ininspeksyon ng DOTr sec, BI chief

Jun I Legaspi May 1, 2025
18 Views

MISMONG sina Transportation Secretary Vince Dizon at Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Anthony Viado ang nag-surprise inspection sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong Abril 29 bilang bahagi ng pagsusumikap ng pamahalaan na pagandahin ang operasyon ng terminal para sa mga pasahero.

Kasama sa inspeksyon ang mga opisyal mula sa Department of Transportation (DOTr), Bureau of Immigration at Manila International Airport Authority (MIAA).

Binigyang-diin ni Viado ang suporta ng BI sa inisyatiba ng pamahalaan na gawing moderno, maginhawa at ligtas ang karanasan ng bawat pasahero.

“Tunay naming pinapakita na may pagbabago sa ating mga paliparan.

Nakita natin sa inspeksyon na may malinaw na pag-unlad, pero hindi kami titigil hangga’t hindi tuluyang natutugunan ang mga pangangailangan ng mga biyahero,” pahayag ni Viado.

Kumpleto at maayos ang operasyon ng mga immigration counter sa NAIA Terminal 3 sa panahon ng kanilang inspeksyon.

Nagpasalamat din si Viado kay Secretary Dizon at sa DOTr para sa walang-sawang pakikipag-ugnayan upang matiyak ang maayos na daloy ng mga pasahero sa mga international port ng bansa.

“Magkatuwang ang DOTr at BI sa pagbabagong hinahangad natin. Karapatan ng publiko ang isang ligtas, komportable at tuluy-tuloy na karanasan sa paliparan,” ani Viado.

Kamakailan lamang ay nagtalaga ang BI ng karagdagang 19 bagong immigration officers sa NAIA upang mapunan ang kinakailangang bilang ng tauhan at mas mapabuti pa ang serbisyo.