Laguna Source: PNA file photo

Botante hiniling sa Comelec: DQ ng Laguna gob, mambabatas

18 Views

ISANG botante mula sa Laguna ang naghain ng magkahiwalay na petisyon ipa-disqualify sina Gov. Ramil Hernandez at Rep. Ruth Mariano-Hernandez na kapwa tumatakbo sa paparating na halalan dahil sa umano’y vote-buying at iba pang paglabag sa Omnibus Election Code.

Sa dalawang petisyong inihain sa Commission on Elections, inakusahan ni Celito J. Baron sina Ruth Hernandez, na tumatakbo bilang gobernador, at ang kanyang asawang si Ramil Hernandez, kasalukuyang gobernador na tumatakbo naman bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng Laguna, ng umano’y paglabag sa batas.

“A Petition for Disqualification is hereby filed against Ruth Hernandez for alleged violation of Section 24 COMELEC Resolution 11104 in relation to Section 261 (a) of the Omnibus Election Code; b) for commission of acts which constitute Abuse of State Resources under Section 34 of the Omnibus Election Code in relation to Section 261 (o) of the Omnibus Election Code; c) for violation of COMELEC Resolution No. 11060 Section 2 in relation to Section 261 (v) of the Omnibus Election Code,” ayon sa petisyon laban kay Rep. Hernandez.

Isa sa mga pangunahing alegasyon sa reklamo ng diskwalipikasyon ay ang umano’y pagdadala ng mga residente ng Cabuyao City sa isang bodega sa Calamba City na pinalabas na isang pagsasanay para sa mga poll watcher.

Sinasabing binigyan ang mga dumalo ng mga t-shirt na may larawan ng mag-asawang Hernandez, pati na rin ng pagkain, bottled water, at sobre.

Inaakusahan rin sa petisyon ang mag-asawang Hernandez ng paggamit ng mga government-issued health cards – na tinatawag na “blue cards” – upang impluwensyahan ang pagboto ng mga mamamayan.