Sangkot sa Zambales road rage pinapasuko ng LTO lisensiya

Jun I Legaspi May 6, 2025
26 Views

ALINSUNOD sa utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na papanagutin ang mga pasaway na motorista upang matiyak ang kaligtasan ng lahat ng gumagamit ng kalsada, inatasan ng Land Transportation Office (LTO), sa patnubay ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, si Yanna MotoVlog na isuko ang kanyang lisensya sa pagmamaneho.

Sinabi ni LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, na ang pagsuko ng lisensya sa pagmamaneho ay bahagi ng penalty ipinataw kay Yanna Motovlog matapos ang kanyang pagkakasangkot sa isang insidente ng road rage sa Zambales kamakailan.

“Ipinataw namin ang 90-araw na preventive suspension sa kanyang lisensya bilang bahagi ng patuloy na imbestigasyon sa insidente. Dahil sa kanyang hindi pagdalo sa pagdinig, inatasan namin siya, sa pamamagitan ng kanyang legal na tagapayo, na isuko ang kanyang lisensya sa pagmamaneho. Ito ay para na rin sa kanyang kapakanan,” ani Asec Mendoza.

Sa ginanap na pagdinig noong Martes, Mayo 6, iniutos ni LTO-Intelligence and Investigation Division (IID) Chief Renante Melitante sa legal na tagapayo ni Yanna Motovlog na isuko ang lisensya sa ganap na 10:00 a.m. sa Huwebes, Mayo 8.

Sa pagdinig, ipinaliwanag ng legal na tagapayo ni Yanna Motovlog na pinili ng kanyang kliyente na huwag dumalo para sa kanyang seguridad, dahil nakatanggap siya ng maraming banta at pang-iinsulto matapos ang insidente, lalo na pagkatapos mailantad sa social media ang kanyang tirahan.

Gayunpaman, nagpadala ng liham si Yanna Motovlog sa LTO upang humingi ng paumanhin hindi lamang sa driver ng pick-up at sa kanyang pamilya kundi pati na rin sa lahat ng taong naapektuhan ng kanyang asal sa kalsada nang mangyari ang insidente sa Zambales.

Sinabi rin niya na handa siyang tanggapin ang mga parusa na ipapataw ng LTO kaugnay ng insidente.

Para naman sa panig ng driver ng pick-up, isinalaysay niya sa pagdinig na dapat sana ay palalagpasin na lamang niya ang insidente, subalit ikinagulat niya nang tila inantabayanan siya ng grupo ng mga rider, kaya’t napilitan siyang harapin ang nagmamanehong motor.

Dito niya natuklasan na babae pala ang rider—ang sagupaan ay bahagi ng viral na video sa social media.

Sa parehong pagdinig, muling itinakda ni Melitante ang isa pang pagdinig sa Huwebes, Mayo 8, kung saan inatasan si Yanna Motovlog na hindi lamang isuko ang kanyang lisensya sa pagmamaneho kundi dalhin din ang motorsiklong ginamit niya sa insidente para sa inspeksyon.

Nalaman sa pagdinig na ang motorsiklong sinasakyan ni Yanna Motovlog sa oras ng insidente ay hindi nakarehistro sa kanyang pangalan.