Dominguez

BOC ibibigay nakumpiskang petrolyo sa AFP, PCG

235 Views

IBIBIGAY ng Bureau of Customs (BOC) ang 47,356.8 litro ng nakumpiska nitong produktong petrolyo sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard (PCG).

Ayon sa Department of Finance (DOF) inaprubahan ni Secretary Carlos Dominguez III ang pagbibigay ng 41,356.8 litro ng petrolyo sa PCG at 6,000 litro sa AFP.

Nakumpiska umano ang mga produktong petrolyo sa operasyon ng BOC sa ilalim ng Fuel Marking Program.

Sa ilalim ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) ay pinapayagan na i-donate sa ahensya ng gobyerno ang nakumpiskang produkto kapag inaprubahan ito ng kalihim ng DOF.

Mayroong kasunduan ang AFP at BOC kung saan tutulungan ng AFP ang BOC sa pagpapatupad ng mandato nito at ibibigay naman ng BOC sa AFP ang nakumpiskang produktong petrolyo sa kanilang operasyon.

Sa paglabas sa pantalan ay minamarkahan ng BOC ang mga produktong petrolyo. Kapag mayroong naibenta na walang marka nangangahulugan na hindi ito dumaan sa BOC at hindi binayaran ang kaukulang buwis.