Truck driver na sangkot sa aksidente sa Batasan nagpositibo sa shabu

26 Views

NAGPOSITIBO umano sa paggamit ng ilegal na droga ang driver ng truck na sangkot sa isang malagim na insidente sa kalsada noong Mayo 28, 2025, sa kahabaan ng Batasan-San Mateo Road, Brgy. Batasan Hills, Quezon City.

Ayon kay PCol. Randy Glenn Silvio, officer in charge ng Quezon City Police District (QCPD), noong Mayo 30, 2025, inihain na ng reklamo para sa reckless imprudence resulting in multiple homicide, multiple physical injuries, at multiple damage to property laban sa suspek.

Isinailalim din umano ang nasabing driver sa “alcohol breath analyzer (ABA) test at drug test, alinsunod sa Section 7 ng Republic Act No. 10586, o Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013.

Negatibo ang resulta ng ABA test na isinagawa ng Land Transportation Office (LTO). Gayunpaman, ang drug test na isinagawa ng QCPD Forensic Unit (QCPDFU) ay nagpakita ng positibong resulta para sa methamphetamine hydrochloride (karaniwang kilala bilang “shabu”).

Kasunod ng resulta ng drug test, isinagawa ang masusing inspeksyon sa Isuzu 10-wheeler truck na sangkot sa insidente, kung saan walang nakuhang iligal na droga o drug paraphernalia sa sasakyan.

Kakasuhan ang suspek ng paglabag sa R.A. 10586 sa Quezon City Prosecutor’s Office.

“This case serves as a clear warning to those who drive under the influence of illegal drugs, you will be held fully accountable under the law. At mabigat po ang parusa dito ayon sa batas, reclusion temporal o mahigit 12 years to 20 years maximum na pagkakakulong at may multang 300,000 to 500,000 Pesos pag namatay ang biktima”, ayon kay PCol. Silvio.