House Spokesperson Princess T. Abante House Spokesperson Princess T. Abante

House spox: Ayuda sa mahihirap mas mabuti kesa magnakaw sa pera ng bayan

34 Views

MATIBAY ang paninindigan ng Kamara de Representantes sa likod ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, na muling inatake dahil sa kanyang pagsusulong ng mga programa na makatutulong sa mga Pilipinong nangangailangan.

“Ang pagtulong sa mahihirap ay hindi kailanman dapat ikahiya,” ani Atty. Princess T. Abante, ang spokesperson ng Kamara. “Kung ang pagtulong sa nagugutom at maysakit ay kalokohan para sa ilan, mas gugustuhin pa naming matawag na ‘Tambaloslos’—kaysa matawag na ‘kawatan’ dahil sa pagnanakaw sa kaban ng bayan.”

Ginawa ni Abante ang pahayag matapos atakehin ni Sen. Imee Marcos si Speaker Romualdez at First Lady Liza Araneta Marcos sa isang pagtitipon sa Malaysia, kung saan kanyang nakasama si Vice President Sara Duterte.

Sinabi roon ni Marcos na sayang lang ang pera ng gobyerno na ibinibigay bilang ayuda.

“Inaaway na naman po ako ni VP at parating sinasabi palitan mo na kasi ‘yang apelyido mo. Sabi ko ang problema ‘yung nakaupo walang apelyido kasi tambaloslos, Romualdez po ‘yun at Araneta (First Lady Liza Araneta-Marcos) sila ‘yung lolong at lalay,” ani Sen. Marcos.

Nilinaw ni Abante na ang ayudang naipapamahagi sa mga mahihirap na pamilya ay dumaraan sa tamang proseso, may dokumentasyon at may malinaw na benepisyaryo.

“May resibo, may proseso, may diretsong patutunguhan. Hindi ito isinusubo sa personal na bank account,” aniya.

Sa kabilang banda, binigyang-diin ni Abante na ang tunay na isyu ay ang pang-aabuso sa pondo ng bayan gaya ng kuwestyunableng paggastos ng confidential at intelligence funds, gayundin ang hindi pagdedeklara ng mga bankaccount kung saan nakatago ang milyun-milyong salapi.