Suspek

Dahil sa pagda-drive ng lasing, Baguio-LTO chief sibak

Jun I Legaspi Jun 13, 2025
44 Views

INIUTOS ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon ang pagsibak sa puwesto kay Engr. Edilberto Bongaoen, ang chief ng Land Transportation Office (LTO)-Baguio, matapos ang kanyang pagkakaaresto dahil sa pagmamaneho ng lasing.

Ang insidente ay naganap noong Hunyo 10 kung saan nasangkot si Bongaoen sa isang vehicular accident at natuklasang nagmamaneho habang nasa impluwensiya ng alak.

Inatasan ni Dizon ang kanyang agarang pagtanggal sa puwesto at sinabing ang mga opisyal ng gobyerno ay dapat maging huwaran sa pagsunod sa batas.

Ayon kay Dizon, ang pagmamaneho nang lasing ay isang matinding paglabag na naglalagay sa panganib sa buhay ng marami at hindi dapat palagpasin.

Inatasan ang Civil Service Commission (CSC) na simulan ang proseso ng pagsibak kay Bongaoen mula sa serbisyo publiko upang matiyak na hindi kinukunsinti ang ganitong paglabag.

Sinabi ng DOTr na ang pangyayaring ito ay isang matinding paalala na ang mga opisyal ng gobyerno ay kailangang maging huwaran sa pagsunod sa batas sa kalsada at pangalagaan ang kaligtasan ng publiko.