House leadership pinarangalan sina Madrona, Magsino at Iba pa dahil sa natatanging paglilingkod

Mar Rodriguez Jun 17, 2025
57 Views

Award AwardPINARANGALAN ng liderato ng Kamara de Representantes ang ilang miyembro nito kabilang sina Representatives Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona ng Romblon at Marissa “Del Mar” P. Magsino ng OFW Party List group dahil sa kanilang natatanging paglilingkod.

Ang iginawad na parangal para sa mga kongresista ay bilang pagkilala sa kanilang natatanging paglilingkod at kontribusyon sa Mababang Kapulungan bilang mga mambabatas na nagsusulong sa interes at kagalingan ng mamamayang Pilipino.

Kinilala ng Kongreso ang mga naging pagsisikap ni Magsino para isulong ang interes ng libo-libong Overseas Filipino Workers (OFWs) kasama na ang mga Pilipino seafarers sa pamamagitan ng inihain nitong mga kanilang panukalang batas.

Isinulong ni Magsino ang 66 na panukala kabilang dito ang Republic Act No. 12021 o Magna Carta of Filipino Seafarers at House Bill No. 10178 na mas kilala bilang Internet Voting Bill para pagtibayin ang karapatan ng mga OFWs na makaboto sa halalan.

Sinabi ng OFW Party List solon na kinikilala din ng House leadership sa pangunguna ni Speaker Martin Romualdez ang kaniyang naging pagsusumikap sa pamamagitan ng pakikipag-diyalogo sa mga OFWs para alamin ang kanilang kalagayan sa ibang bansa.

Samantalang kinilala din ng Kamara ang malaking kontribusyon ni Madrona bilang Chairman ng House Committee on Tourism at Vice Chairman naman ng House Committee on Transportation.

Para kay Madrona, isang napakalaking karangalan aniya ang iginawad na parangal ng Kongreso na kumikilala sa kaniyang napakalaking kontribusyon sa Mababang Kapulungan sa loob ng mahabang panahon na kaniyang paglilingkod bilang mambabatas.

“I am deeply humbled to receive the Medal of Distinction and Certificate of Recognition from the House. My heartfelt gratitude this is truly a shared triumph one that belongs to the people of Romblon,” ayon kay Madrona.