Hontiveros1

Hontiveros muling iginiit pagpanig sa due process sa impeachment trial ni VP Sara

25 Views

Muling iginiit ni Senadora Risa Hontiveros ang kanyang paninindigan sa patas na paglilitis at pagsunod sa due process, habang hinihintay ng Senado—na nagsisilbing impeachment court bilang tugon sa naratibo ng kampo ng Pangalawang Pangulo Sara Duterte kaugnay ng kasalukuyang impeachment case laban sa kanya.

Sa inilabas na pahayag nitong Martes, binigyang-diin ni Hontiveros ang kanyang papel bilang senator-judge na nararapat lamang tumutok sa ebidensiyang ihaharap sa korte.

“Gaya nung sinabi ko dati pa, bilang senator-judge ay titingnan natin ng maigi ang lahat ng ebidensiya na ipipresenta sa impeachment trial ni VP Sara Duterte,” aniya.

Ipinahayag din niya na hindi dapat maging batayan ang partidong kinabibilangan ng mga senador sa kanilang pagboto.

“Kakampi man, o kritiko ng pangalawang pangulo. Sinusunod ko po ang tungkulin na iyan, at inaasahan ko rin ito sa ibang senador,” dagdag pa ni Hontiveros.

Noong nakaraang linggo, nagpalabas ng summons ang Senado para kay VP Duterte at inatasan siyang magsumite ng sagot sa loob ng sampung araw.

Ayon kay Hontiveros, mahalagang hakbang ang pagsusumite ng sagot upang maipakita ng Bise Presidente ang kanyang panig: “One good way for the Vice President to start presenting her arguments is by filing an answer to the summons.”

Noong Hunyo 10, sa botong 18–5, napagdesisyunan ng Senado na ibalik sa Kamara ang Articles of Impeachment upang muling pagtibayin ito.

Samantala, kinuwestiyon umano ni VP Duterte ang pagiging patas ng ilang senador at umapela na mag-inhibit din ang ilan sa kanila.

Sa panig ni Senate President Francis Chiz Escudero, ipinaalala niyang ang pag-inhibit ay kusang-loob at nakasalalay sa personal na pasya ng bawat senador.