Calendar

Atty. Bucoy: Pagbasura sa impeachment ni VP Sara nang walang paglilitis ay ‘masamang precedent’
NAGBABALA si Atty. Antonio Audie Z. Bucoy, tagapagsalita ng House prosecution panel, na ang posibleng pagbasura ng Senado sa impeachment case laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte nang walang paglilitis ay hindi lamang labag sa Saligang Batas kundi isang mapanganib at hindi pa nagaganap na precedent na sumisira sa tuntunin ng batas.
“Wala po sa Saligang Batas ‘yan. ‘Yan ho ay betrayal. ‘Yan ho ay hindi alinsunod sa ating Saligang Batas,” ani Bucoy sa isang press conference nang tanungin tungkol sa posibilidad na agad ibasura ng Senate impeachment court ang kaso nang walang pagdinig.
Tumutukoy siya sa motion to dismiss na iminungkahi ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, na ayon kay Bucoy ay labag sa Konstitusyon at hindi naaayon sa proseso.
“Assuming na ang tinutukoy ay ang motion to dismiss na inilahad ni Sen. Bato Dela Rosa — ang hukom po ay hindi nagmo-motion. Ang nagmo-motion po ay ‘yung mga partido,” paliwanag niya.
Dagdag pa niya: “‘Yung mga grounds na binanggit ni Sen. Dela Rosa, ‘yun din ang grounds na inakyat nila (kampo ni Duterte) sa Korte Suprema. So ang nangyari, si Sen. Dela Rosa ay umaakto na parang defense counsel.”
Nang tanungin kung anong epekto ng ganitong aksyon sa mga susunod pang impeachment cases, hindi nagpaligoy si Bucoy:
“It’s a bad precedent. It’s a terrible precedent dahil hindi ito alinsunod sa Saligang Batas,” giit niya.
“Ang trabaho ng hukom ay litisin at desisyunan ayon sa ebidensya. Hindi maaaring i-dismiss na walang paglilitis. Wala ‘yan sa Saligang Batas. Ang sabi ng Saligang Batas, litisin at desisyunan,” dagdag niya.
Ipinaliwanag din ni Bucoy na kapag naipasa na sa Senado ang Articles of Impeachment, obligadong magsagawa agad ng paglilitis, hindi basta-bastang ibasura ang kaso.
“Ayon ho sa Saligang Batas, kapag nailatag ang Articles of Impeachment, dapat agad-agad mag-proceed sa trial. At dapat bigyan ng writ of summons ang impeached official para maglahad ng sagot o answer — hindi ng motion to dismiss,” aniya.
“Kung ang nasasakdal ay hindi pwedeng mag-file ng motion to dismiss, lalo na siguro ang hukom, ‘di po ba?” giit pa niya.
Tinukoy din ni Bucoy ang eksaktong lengguwahe ng Konstitusyon ukol sa papel ng Senado:
“Ang kapangyarihan ng Senado ay ‘to try and decide.’ Ang ibig sabihin ng ‘to try’ ay magsagawa ng paglilitis. Hindi ginamit ng Saligang Batas ang salitang ‘to hear and decide.’”
Ayon kay Bucoy, kung ginamit ng Saligang Batas ang terminong “to hear,” maaaring magsagawa muna ng pagsusuri kung may sapat bang basehan ang kaso — isang kapangyarihang sadyang hindi ibinigay ng Konstitusyon sa Senado para sa impeachment.
“Ang legal term na ‘to hear’ ay mas malapad ang saklaw — ito ay nangangahulugang alamin kung may saysay o basehan ang kaso. Pero malinaw ang sinabi ng Saligang Batas: ‘to try and decide,’ hindi ‘to hear.’ Ganoon ka-eksakto ang lengguwahe ng ating Saligang Batas,” paliwanag niya.
Si VP Sara Duterte ay na-impeach ng House of Representatives noong Pebrero 2025 dahil sa mga kasong kinabibilangan ng pagbabanta sa buhay nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez; culpable violation of the Constitution; betrayal of public trust; at maling paggamit ng confidential at intelligence funds noong siya’y Kalihim ng Edukasyon.
Patuloy na pinaninindigan ng House prosecution panel na obligasyon ng Senado, alinsunod sa Konstitusyon, na magsagawa ng ganap at makatarungang paglilitis — at anumang tangka na tapusin ang proseso nang wala ito ay isang pambabastos sa batas at sa sambayanang Pilipino.