Calendar

Atty. Bucoy kinatigan pahayag ni ex-CJ Puno: SP Chiz, Senado may hangganan ang maaaring gawin
SUMANG-AYON si House impeachment panel spokesperson Atty. Antonio Audie Z. Bucoy sa pananaw ni dating Chief Justice Reynato Puno na maaaring magkaroon ng grave abuse of discretion ang Senado sa ilalim ni Senate President Chiz Escudero sa uri ng paghawak nito sa impeachment case laban kay VP Sara Duterte.
“Ako sumasang-ayon sa sinabi ni Chief Justice Renato Puno sapagkat ang mga naging actuation and ruling ni Senate President Chiz Escudero as the presiding officer of the impeachment court, ay wala sa Saligang Batas,” ani Bucoy.
Ang tinutukoy ni Bucoy ay ang desisyon ng Senado na ibalik sa Kamara de Representantes ang Articles of Impeachment laban kay Duterte, isang hakbang na pinuna ng ilang eksperto sa Konstitusyon at mga legal na iskolar.
“Ang pag-remand ibig sabihin ‘yung lower court should reconsider,” paliwanag ni Bucoy. “Wala hong salitang remand sa impeachment. Hindi angkop ang remand sa impeachment. Yung remand ay para sa ordinaryong kaso sa ordinaryong hukuman but never sa impeachment court.”
Ang mga pahayag ni Bucoy ay lalo pang nagpapalalim sa lumalawak na pananaw sa hanay ng mga eksperto sa batas-konstitusyonal na ang mga kilos ng Senado, sa ilalim ng pamumuno ni Escudero, ay labas sa hangganan ng naaayon sa Konstitusyon.
Ang mga kilos ng Senado ay kasalukuyang sinusuri hindi lamang ng Philippine Constitution Association (Philconsa), kung saan siya ang tagapangulo, kundi pati ng mga dekano ng mga law school, mga propesor, at iba pang eksperto sa Konstitusyon.
Nauna nang binawasan ni Escudero ang bigat ng pahayag ng Philconsa, dahil umano sa pagiging pangulo ng grupo ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez. Mabilis naman itong itinanggi ni Bucoy.
“That’s not fair. Because you judge the position based on the merit of what was said. Hindi ‘yung personalidad,” ani Bucoy.
Nilinaw din niya na bagaman pangulo si Speaker Romualdez ng Philconsa, hindi nito naaapektuhan ang malayang opinyon legal ni dating Chief Justice Puno.
“Sa palagay nyo ba si Speaker, iba ang posisyon nya (bilang) presidente ng PhilCONSA. Sa palagay, si Speaker Romualdez ay kayang impluensyahan ang pag-iisip ni dating Chief Justice Puno? I don’t think so,” ani Bucoy.
“In much the same way that Chief Justice Puno will not and cannot influence the mindset of the Speaker of the House.”
Ayon kay Bucoy, dapat suriin ang mga posisyon ng mga legal na eksperto at mga organisasyong tulad ng Philconsa batay sa laman ng kanilang argumento, hindi kung sino ang nagsabi.
“So my take is that the argument is based on the merit of the argument, not on the personality. Hindi po personality based yan, merit based,” ani Bucoy.