Calendar

Bucoy: Kapangyarihan ng Senate impeachment court may limitasyon
MAYROON umanong hangganan ang kapangyarihan ng Senate impeachment court, ayon kay House impeachment panel spokesperson Atty. Antonio Audie Z. Bucoy.
Ayon kay Bucoy, dapat gamitin ang awtoridad ng Senado sa loob lamang ng mga limitasyon ng Saligang Batas at sa impeachment rules nito, kahit pa sa itinuturing na sui generis na proseso tulad ng impeachment trial.
“Meron pong limitasyon. Ang limitasyon ay ang ating Saligang Batas at ang kanilang sariling impeachment rules,” ani Bucoy. “Hindi po puwedeng porke you are sui generis puwede mong gawin ang lahat ng gusto mo.”
Tugon ito ni Bucoy sa pahayag ni Senate President Chiz Escudero na may malawak na kalayaan ang Senado, bilang impeachment court, kung paano nito isasagawa ang pagtalakay sa Articles of Impeachment na ipinasa ng Kamara.
Iginiit ni Escudero na bilang isang natatanging institusyon, may diskresyon ang Senado sa pagbuo ng sarili nitong mga patakaran.
Ngunit giit ni Bucoy, kahit ang mga patakarang ito ay kailangang sang-ayon sa mga hangganan ng Konstitusyon.
“Ang limitasyon ay nasasaad sa ating Saligang Batas at sa kanilang sariling impeachment rules. In fact, kung ‘yung impeachment rules hindi alinsunod sa Saligang Batas, hindi rin uubra ‘yun,” aniya.
“So lalo na ‘yan sa kanyang statement na kaya niyang gawin, kaya nilang mag-order ng kahit ano, mali po ‘yan,” dagdag pa niya. “Dapat alinsunod sa parameters na sinet ng Saligang Batas.”
Binigyang-diin ng tagapagsalita ng impeachment panel na magkaiba ang kapangyarihan ng Kongreso sa ilalim ng Article VI ng 1987 Constitution kumpara sa mga tiyak na tungkulin sa ilalim ng Article XI, na tumutukoy sa pananagutan ng mga opisyal ng pamahalaan.
“Kung inyong tutunghayan, nakahiwalay ‘yung Article 11 do’n sa Article 6. Article 6 tungkol sa trabaho ng paggawa ng batas. Ang Article 11 is for accountability,” paliwanag ni Bucoy. “Very specific ang provision ng accountability. Very specific what the powers are.”
Nagbabala rin siya laban sa arbitraryo o pansariling interpretasyon ng kapangyarihan ng Senado.
“So hindi po puwedeng bardagulan ito. Hindi puwede na kung anong gusto ‘yan ang gagawin. May limitasyon,” aniya.
Tungkol naman sa susunod na hakbang ng House prosecution panel, sinabi ni Bucoy na magsusumite sila ng mga kaukulang pleading sa mga susunod na araw.
“Within the next few days, ang prosecution panel ay magfa-file or maglalahad ng mga kaukulang pleading,” ani Bucoy.
Nilinaw rin niya na maaaring motion o manifestation ang pormal na ihahaing dokumento.
“It could be a motion or it could be a manifestation. Either way, it is to clarify ‘yung order,” ani Bucoy.