Calendar
Mahigit 150K estudyante ng Batangas may P1K educ ayuda mula kay Cong. Leviste
MAHIGIT 150,000 elementary at high school students sa unang distrito ng Batangas ang nakatanggap ng P1,000 educational assistance mula kay Congressman Leandro Legarda Leviste.
Idinaan ng bagong mambabatas ang naturang tulong pang-edukasyon mula sa kanyang pribadong Lingkod Legarda Leviste Foundation.
Ani Leviste, na isang batang business tycoon bago naging kongresista, mula sa kanyang bulsa ang kabuuang P150 milyon na pinamahagi sa mga mag-aaral. Walang ginastos ang gobyerno para sa programang ito, diin niya.
Sinimulan ang pamamahagi ng cash aid noong Hulyo 11 sa mga paaralan sa Nasugbu, Lian, Calatagan, Tuy at Balayan. Susunod na bibigyan ang mga estudyante sa Calaca, Lemery at Taal. Tiniyak ni Leviste na matatapos ang distribusyon ngayong Hulyo.
Ang hakbang ay bahagi ng adbokasiya ni Leviste para sa National Student Allowance Program na nakasaad sa kanyang House Bill No. 27. Layunin ng panukala na bigyan ng buwanang P1,000 allowance ang bawat estudyanteng Pilipino mula kindergarten hanggang kolehiyo, kapalit ng sapat na attendance.
“Ang kakulangan sa pamasahe at pagkain ay hadlang sa edukasyon. Dapat solusyunan ito,” ani Leviste. “Mas epektibo ang direktang tulong sa mag-aaral kaysa sa ibang proyekto ng pamahalaan.”
Ayon sa kongresista, maraming mag-aaral sa Batangas ang kailangang maglakad nang malayo mula sa mga liblib na barangay para makapasok sa paaralan. Sa ibang bansa, libre aniya ang transportasyon at pagkain ng mga estudyante—isang bagay na dapat tularan ng Pilipinas.
Si Leviste, 32, ay dating chief executive officer ng Solar Philippines. Noong 2024, ipinagbili niya ang kanyang kumpanya sa Meralco sa halagang P34 bilyon.
Matapos talikuran ang mundo ng negosyo, nakatutok ngayon ang batang mambabatas sa public service.
“Kung gumana ang pamamahagi ng tulong sa mga mag-aaral sa Batangas, puwede rin ito sa buong bansa,” diin niya.

