PBBM INSPEKSYON–Ininspeksyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. (gitna) ang nasirang Tangos-Tanza navigational gate sa Navotas City noong Sabado. Ang pagkukumpuni ng navigational gate ay naging sanhi ng pagguho ng pader ng ilog sa Brgy. San Jose sa Navotas na nagdulot ng matinding pagbaha sa lungsod. Malacañang Press Corps photo

Nawasak na floodgate, evacuation center sa Navotas binisita ni PBBM

339 Views

BINISITA ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Navotas City noong Sabado upang inspeksyunin ang nasirang Tangos-Tanza navigational gate at Tanza National High School na ngayo’y pansamantalang kanlungan ng mga lumikas na residente.

Sinuri ni Marcos ang 30-taong navigational gate na nagsisilbing mahalagang harang laban sa mataas na tubig at pagbaha.

Kasama ng Pangulo sa inspeksyon sina Rep. Toby Tiangco at Navotas City Mayor John Rey Tiangco.

Ang lumang flood gate, na kasalukuyang kinukumpuni, ay may mahalagang papel sa pagkontrol ng lebel ng tubig sa Navotas river.

Ang pagkasira ng nasabing navigational gate ang isa sa mga dahilan ng matinding pagbaha sa Malabon at Navotas.

Inilagay ang Navotas sa state of calamity matapos gumuho ang pader ng ilog sa Brgy. San Jose na naging sanhi ng malawakang pagbaha.

Nagdeklara rin ng state of calamity ang Malabon dahil sa matinding pagbaha na dulot ng pinalakas na habagat, na pinalala pa ng mataas na tubig at pagkasira ng flood gate.

Pinuntahan din ni Marcos ang mga pamilyang pansamantalang nanunuluyan sa Tanza National High School.

Nakapag-ugnayan din siya sa mga bata sa evacuation center.

Kasama si Secretary Manuel Bonoan ng Department of Public Works and Highways, binigyan ang Pangulo ng ulat ukol sa kalagayan ng mga apektadong residente.

Noong Hulyo 23, tinatayang nasa 162 pamilya o 538 katao ang lumikas at pansamantalang nanunuluyan sa paaralan.

Namahagi rin ng ayuda mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga apektadong residente ng Navotas City sa pagbisita ni Pangulong Marcos.