Hybrid cars, electric vehicles dapat di na exempted sa number coding — Rep. Asistio

Mar Rodriguez Aug 19, 2025
499 Views

IPINAHAYAG ng Chairman ng House Committee on Metro Manila Development na si Caloocan City 3rd district Representative Dean Asistio na kinakailangan ng pag-aralan kung nararapat na bang hindi mapasali sa exemption ng number coding ang mga tinatawag na “hybrid cars” kabilang na dito ang electric vehicles.

Sinabi ni Asistio na ang kaniyang ilalatag na mungkahi ay maaaring ituring na isa sa mga solusyon o alternatibo para maibsan ang “walang kamatayang” problema ng trapiko sa buong Metro Manila partikular na kung rush hour at peak season katulad ng holiday season.

Ipinaliwanag ng kongresista na sa dami na rin ng mga sasakyang hybrid at electric vehicles na naglipana at bumibiyahe sa iba’t-ibang lansangan sa Kalakhang Maynila kaya iminungkahi ang nasabing pagtanggal sa exemption sa number coding scheme ang hybrid cars. Lalong nadadagdagan ang pagsisikip ng mga kalsada kahit pa may mga alternatibong mode of transportation kagaya ng bus carousel at MRT.

“Sa palagay ko dapat pag-aralan din kung nararapat na bang huwag i-exempt sa number coding yung mga Hybrid cars at mga electric vehicles. Dahil sa dami na rin ng mga hybrid cars at electric vehicles, sa palagay ko makakatulong kung sila ay hindi isasama o mae-exempt sa coding,” sabi ni Asistio.

Sinagot din ni Asistio ang sentimyento o reklamo ng mga may-ari ng hybrid cars at electronic vehicle na dapat lamang umano silang malibre o exempted sa number coding dahil ito lamang ang nag-iisa nilang transportasyon.

Dahil dito, sinabi pa ni Asistio na tatalakayin nila ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at mga miyembro ng House Committee on Metro Manila Development kung nararapat na bang pag-aralan na hindi na dapat ma-exempt sa number coding ang mga nabanggit na sasakyan.

“Kakausapin natin ang MMDA at mga members ng Committee on Metro Manila Development kung dapat na bang pag-aralan na hindi ma-exempt sa coding ang mga ganitong uri ng sasakyan,” pagtatapos ni Asistio.

Sa Pilipinas, ang mga hybrid cars at electric vehicles (EVs) ay exempted sa number coding o Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP) sa ilalim ng Republic Act No. 11697 o mas kilala bilang Electric Vehicle Industry Development Act (EVIDA).

Layunin ng nabanggit na batas na ma-promote ang lokal na industriya ng EV at mabawasan ang paggamit ng fossil fuel sa ating bansa.