Parak

Parak binato ng dumbbell tigok, pinsan sumuko

Edd Reyes Aug 29, 2025
260 Views

SUMUKO sa mga pulis ng Hermosa, Bataan ang suspek sa pagkapatay sa kaanak niyang pulis sa Taguig City noong Huwebes.

Inamin ni alyas Rocky kay Bataan Provincial Police Office (PPO) Director P/Col. Marites Salvadora na napatay niya ang pinsang pulis na si Ibrahim noong Miyerkules ng gabi sa inuupahan nilang tirahan sa Taguig.

Sa salaysay ng suspek kay Hermosa Police Station Commander P/Maj. Winston Norte, nagdilim ang kanyang paningin sa madalas na pagbibiro at panunutok sa kanya ng baril ng pinsan kaya’t napalo niya ito ng dumbbell sa ulo.

Nang bumagsak aniya ang biktima, binato pa niya ang hawak na dumbbell na tumama sa ulo ng pinsan.

Dalawang oras niyang hinintay na pagbalikan ng malay ang kaanak subalit nang hindi na magising, ipinasiya na niyang tumakas gamit ang motorsiklo ng biktima at ang .9mm pistol ng pinsan.

Nakatakda ng sunduin ng mga tauhan ni Taguig police chief P/Col. Byron Alltog ang suspek sa Hermosa, Bataan police upang sampahan ng kaukulang kaso sa Taguig City Prosecutor’s Office.