ERC

Meralco inutusan ng ERC na mag-refund ng P21.8B sa mga kustomer nito

189 Views

INUTUSAN ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang Manila Electric Company (Meralco) na mag-refund ng kabuuang P21.8 bilyon sa mga kustomer nito.

Ayon sa ERC, dapat magbalik ang Meralco ng 87 sentimos kada kiloWatt hour ng konsumo ng kanilang mga residential customer o katumbas ng P174 na refund sa mga gumagamit ng 200 kWh kada buwan.

Paliwanag ng ERC mas maliit ang naging aktwal na dapat bayaran ng mga kustomer kaysa sa pinayagan nitong kolektahin ng Meralco mula Hulyo 2015 hanggang Hunyo 2022.

Ayon kay Meralco vice president at corporate communications chief Joe Zaldarriaga mararamdaman ang refund ngayong buwan.

Pero sinabi ni Zaldarriaga na maaaring mas maliit ang maramdamang bawas sa singil ng kanilang mga kustomer dahil mayroong nakaambang pagtaas sa generation charge bunsod ng desisyon ng Korte Suprema.

Pinayagan ng Korte Suprema ang Meralco na singilin ang P22.64 bilyong generation cost noong 2013 na hindi naipatupad matapos itong kuwestyunin.