Vico

Mayor Vico: Pasig nagsasagawa ng parallel investigation sa Discaya issue

Arlene Rivera Sep 3, 2025
376 Views

PASIG CITY — Ipinahayag ni Mayor Vico Sotto na handa siyang tumestigo laban sa mga Discaya kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y maanomalyang mga proyekto para sa flood control.

Gayunman, sinabi ni Sotto na wala pa siyang natatanggap na paanyaya mula sa Senado upang dumalo sa naturang imbestigasyon, ngunit handa siyang pumunta sakaling imbitahan.

“Wala namang invitation sa akin ngayon. Kahit sino naman po, hindi naman ‘yan sa kung gusto o hindi, kapag sila (Senado) nagpatawag, required po ‘yun,” ani Sotto sa panayam ng media habang nagsasagawa ng inspeksyon sa pre-construction works ng Metro Manila Subway Project sa Ortigas Station, nang tanungin kung handa ba siyang tumestigo laban sa mga Discaya.

Dagdag pa ni Mayor, wala na siyang karagdagang komento ukol sa huling pagdinig sa Senado, dahil nasabi na raw niya ang lahat ng dapat sabihin.

“Wala na naman po akong additional comments. ‘Yun na ‘yun. I will let the senators do their job,” aniya.

Tiniyak naman ni Sotto na magpapatuloy ang suporta ng pamahalaang lungsod ng Pasig, sabay banggit na nagsasagawa rin sila ng sarili nilang parallel investigation sa mga isyu.

Muling iginiit ng alkalde ang kahalagahan ng pananagutan, at binigyang-diin na ang mga may kasalanan — maging opisyal ng gobyerno, kontratista, supplier, o pulitiko — ay dapat managot.

Aniya pa, hindi dapat hayaang mabaon sa limot ang isyu. “Dapat manatiling buhay ang isyung ito hanggang managot ang mga responsable.”

Samantala, tumanggi na si Sotto na magbigay pa ng komento ukol sa mga luxury cars na nasamsam ng Bureau of Customs (BOC) sa isang raid sa St. Gerrard Construction, na pagmamay-ari nina Sarah at Curlee Discaya.

Noong Martes, nagsagawa ng pagsalakay ang Bureau of Customs at ang Philippine National Police – Highway Patrol Group sa isang bahay sa Bgy. Bambang, na sinasabing pagmamay-ari ng mag-asawang Cesarah Rowena at Curlee Discaya.

Ang raid ay isinagawa upang kumpiskahin ang hindi bababa sa 12 luxury vehicles na umano’y produkto ng maanomalyang flood control projects.

Ang search warrant ay inisyu ni Manila Regional Trial Court Branch 18 Judge Carolina Icasiano-Sison dahil sa paglabag sa Section 1401 (h) kaugnay ng Section 102 (f) ng Customs Modernization and Tariff Act.

Ayon sa BOC, matagumpay nilang na-account ang lahat ng 12 luxury vehicles na konektado umano sa pamilya Discaya sa headquarters ng St. Gerrard Construction General Contractor and Development Corp. sa Lungsod ng Pasig.