Diaz Diaz-Naranjo

Hidilyn, sasabak uli sa Thailand SEA Games

552 Views

SA kabila ng kahilingan ni Samahang Weightlifting ng Pilipinas president Monico Puentevella na isantabi na ang kanyang karera at bumuo ng sariling pamilya, mas pinili ni Tokyo Olympics gold medalist Hidilyn Diaz-Naranjo na magkaroon ng “swan song” sa kanyang record-breaking career sa darating ng 2028 Los Angeles Olympics.

Kinumpirma ni Diaz sa pagdalo sa special fencing clinic nina Filipina-American Olympic at world champion Lee Kiefer at asawa at kapwa Olympic medalist na si Gerek Meinhardt sa PSC Fencing Hall sa Pasig City na lalaro siya sa darating na 33rd Southeast Asian Games sa Thailand ngayong December 9-20.

“I say yes. I have four months to prepare although nagti-training pa rin ako ngayon pero iba pa rin that you preparing for something unique for the SEA Games and excited ulit ako to represent the country, “wika ni Diaz.

Ito ang comeback international tournament ng tubong-Zamboanga na si Diaz, na matatandaang huling naglaro sa isang IWF-sanctioned international competition noong April 2024 kung saan nag-pangabot sila ni eventual Paris Olympian Elreen Ando sa 2024 IWF World Cup na ginanap sa Phuket, Thailand subalit umabot lang sa Top 10 ng Olympic Qualification Ranking.

Naglaro rin siya sa Oceania Cup International Tournament sa Australia nitong Abril kung saan nakapagtala ng 4th place finish, habang silver medal sa Women’s -63 kg ang napanalunan niya sa SWP National Weightlifting Championships nitong Hulyo sa Dumaguete City.

Mula sa -59 kg ay uusog sa -58 kg na si Diaz sa kanyang SEA Games comeback mula noong nagpasyang i-skip ang 2023 edition ng biennial meet sa Cambodia.

“Bagong weight na naman from 59 to 58. Medyo natatakot na ako siyempre kasi bago ulit, magcucut weight at magfofocus na talaga kasi last 2024 pa ako naglaro sa international competition then 2025, last na pala yun this year [yung SEA Games. Medyo kinakabahan at makes me happy to train for something big.”, dagdag niya.

Sa ngayon ay nagsasanay si Diaz kasama ang mga batang weightlifters na nasa pangangalaga ng HD Weightlifting Academy sa Jala-Jala, Rizal kasama ang coach/husband na si Julius Naranjo kung saan ibinahagi niya ang kanyang plano para sa grassroots development gaya ng Palarong Pambansa at Batang Pinoy exposures.

“Sobrang busy na kasi were doing grassroots. Before SEA Games, nasa Batang Pinoy kami… that’s the plans we make the sport accessible all over the region at mas marami tayong makikita na mga bata na maglaro sa Palarong Pambansa and Batang Pinoy and were happy to see some kids realizing their dream of doing weightlifting.”, huling sambit niya. By Gab Ferreras