Calendar
Yorme: Doble-dobleng street names alisin
IPINATATANGGAL ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang doble-dobleng pangalan ng mga kalye na ginastusan ng halos P40 milyon ng lokal na pamahalaan.
Iniutos ng alkalde ang pagtanggal sa mga doble-dobleng street signs nang mag-viral sa social media ang litrato ng pangunahing lansangan na may dalawang magkahalintulad na street sign na isa’y berde at asul ang isa.
Nilinaw ng alkalde na hindi sa panunungkulan niya isinagawa ang proyekto kundi minana lang sa nakaraang administrasyon.
Batay sa report ni City Engineer Armand Andres sa alkalde, nagkakahalaga ng P39.9 milyon ang proyektong “Installation of Reflectorized Street Name Signages” sa mga kalye sa anim na distrito ng Maynila na nakuha ng ALE Builders and Construction Development Corp.
“Ang malungkot gumastos tayo ng walang kapararakan, ang tawag dyan pagwawaldas. Huwag po kayong mag alala, magbubuti po kami, sisinupin po namin ang lahat ng ating mga resources na mainam itong gagastahin sa tama at kapakinabangan ng mamamayan.
Pipilitin po natin na huwag gumasta ng walang kapararakan,” pagtiyak ni Mayor Domagoso.
Tiniyak din ng alkalde na sa oras na makumpleto nila ang sapat na ebidensiya, pananagutin at sasampahan ng criminal cases ang mga opisyal na nasa likod ng proyekto.
Samantala, makaraang isumite ng bawa’t barangay sa Maynila ang halaga ng kani-kanilang budget, nilagdaan na rin ni Mayor Domagoso noong Biyernes ang paglalabas ng nabimbing pondo para sa 1st at 2nd quarter ng 2025 na nakalaan sa 896 na barangay sa Maynila.
Ginawa ng alkalde ang paglagda sa P150,055,477.37 pondo bilang pagtupad sa kanyang “open governance policy” na nakatakdang ipamahagi sa mga opisyal ng barangay sa Setyembre 10.

