Remulla Ipinapakita sa larawan si DILG Sec. Jonvic Remulla habang nakikipag-interaksyon sa mga DOLE-TUPAD beneficiaries at nakamasid sina Nueva Ecija acting Gov. Gil Raymond Umali at DILG Central Luzon director Araceli N. San Jose sa pagbisita ng kalihim sa paglulunsad ng Handog ng Pangulo caravan sa Old Capitol compound sa Cabanatuan nitong Sabado. LITRATO NI: STEVE A. GOSUICO.

Novo Ecijanos kinantahan si PBBM sa kanyang 68th kaarawan

Steve A. Gosuico Sep 13, 2025
381 Views

CABANATUAN CITY – Sa ngalan ng mga Novo Ecijanos, binati ni Nueva Ecija acting governor Gil Raymond M. Umali ng “happy happy birthday” si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa paglulunsad ng “Handog ng Pangulo Sebisyong Tapat Para sa Lahat” Caravan sa Old Capitol grounds dito nitong Sabado.

Ang paglulunsad ay pinangunahan ng kinatawan ng Pangulo at alter ego — Department of the Interior and Local Government Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla.

Sa kanyang talumpati, pinasalamatan ni Umali si Remulla sa paglulunsad ng pet project ni Pangulong Marcos dito kasabay ng pagdiriwang ng kanyang ika-68 kaarawan.

“Napakasuwerte ng Nueva Ecija dahil kapiling natin ngayon si Kalihim Jonvic Remulla sa paglulunsad ng Handog ng Pangulo Serbisyong Tapat Para sa Lahat” ngayong araw,” saad ng acting vice governor.

“Malinaw na ito ay patunay ng malasakit at pagmamahal ng ating Pangulo sa bawat pamilyang Pilipino lalo na sa ating mga Novo Esihano,” ani Umali na agad ding bumati sa ngalan ng mga Novo Esihanos kay Pangulong Marcos ng “happy happy birthday” sa kanyang 68th kaarawan ngayon.

Sa kanyang bahagi, sinabi ni Sec. Remulla na sa gitna ng patuloy na pagsisiyasat sa flood control projects at sa kanyang paglikha ng Independent Commission on Infrastructure, si Pangulong Marcos ay 100 porsiyentong nangangako na ipakukulong ang lahat ng responsable sa malaking anomalyang ito.

“Ilang beses sinasabi ni Pangulo na wala siyang papanigan dito kundi katotohanan lamang, walang kamag-anak, walang kaalyado, basta may-sala ipapakulong siya, 100 percent guaranteed niya,” ani Remulla.

Hinimok din ng DILG secretary ang bawat mamamayan na ipagdasal ang bansa habang patuloy ang pamamahala ng gobyerno sa gitna ng lahat ng abala at alingasngas na nagaganap ngayon.