Kuryente

Obrero nadikit hawak na scaffolding sa live wire, nakuryente, patay

293 Views

NASAWI ang 55-anyos na laborer matapos makuryente sa pinagta-trabahuhang construction site sa Quezon City nitong Martes ng hapon.

Sa report ng Criminal Investigation and Detetion Unit ng Quezon City Police District (CIDU- QCPD), bandang 1:30 ng hapon (September 16), nang maganap ang insidente sa construction site sa Kanlaon St., Brgy. Sta. Teresita, Quezon City.

Batay sa imbestigasyon ni P/SSg Bennette Stephen Lladoc, habang tinatapalan ng biktima at ng isa pang trabahador ang dingding ng bahay ng kanilang kliyente ay inilipat nila ang scaffolding.

Subalit napadikit ang metal na scaffoding sa isang high-voltage tension electric wire, at nakuryente ang biktima.

Agad namang humingi ng tulong ang kasamang trabahador ng biktima sa security guard sa construction site at iniulat ang insidente sa mga opisyal ng Barangay Sta. Teresita.

Isinugod ang biktima sa Chinese General Hospital subalit idineklara na itong dead on arrival bandang 2:15 ng hapon ni Dr. Carmena Chan.

Lumilitaw na nagsimulang magtrabaho bilang laborer ang biktima noong Setyembre 11, at huling nakitang buhay bandang 1:15 ng hapon nitong Setyembre 16.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.