Volcano

Usok na binuga ng Taal Volcano umabot sa 2,400 metro

435 Views

NAGBUGA ng “voluminous emission” ng makapal na usok at singaw ang main crater ng Taal Volcano sa Batangas na umabot sa 2,400 metro sa nakalipas na 24 oras.

Batay sa bulletin ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nitong Biyernes, Setyembre 19, nakapagtala ang bulkan ng average na 3,453 metric tons ng sulfur dioxide (SO2) kada araw mula Setyembre 15.

Noong Miyerkules, umabot lamang sa 900 metro ang plumes mula sa bulkan.

Sa pinakahuling obserbasyon, walang naitalang upwelling ng mainit na volcanic fluids sa main crater lake ng Taal Volcano Island (TVI) na nasa gitna ng Taal Lake.

Wala ring naobserbahang volcanic smog o “vog.”

Ayon sa Phivolcs, walang naitalang volcanic earthquake nitong Huwebes maliban sa nagpapatuloy na volcanic tremor simula pa Setyembre 16.

Nananatili ang Taal sa Alert Level 1 (low-level volcanic unrest) na nangangahulugang may abnormal na aktibidad gaya ng pagtaas ng volcanic earthquakes at steam/gas emissions, biglaang pagsabog mula sa mga bitak o bagong bunganga, pag-init ng hot springs, at bahagyang pamamaga ng edifice.

Muling ipinaalala ng ahensya na mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa TVI, pangingisda o pamamangka sa Taal Lake, at pagpapalipad ng anumang aircraft malapit sa bulkan.