Koreano

Pinoy, 2 Koreano laglag sa pangingikil, droga

Bernard Galang Sep 19, 2025
296 Views

MABALACAT CITY, Pampanga–Dalawang Koreano at isang Pilipino ang naaresto noong Huwebes sa restaurant sa Clark Freeport Zone dahil sa pangingikil at pag-iingat ng mahigit P600,000 na halaga ng iba’t-ibang droga.

Sa ulat kay Police Regional Office (PRO)-3 director Brig. Gen. Ponce Rogelio Peñones Jr., kinilala ang mga Koreanong suspek na sina alyas Jo, 32; at Kim, 37; at Atao, 37, isang Pilipino.

Nagsimula ang operasyon matapos magsampa ng reklamo si Leo, 31, isang Koreano, na nag-ulat sa Mabalacat police na siya’y tinatakot umano ng mga suspek at hinihingian ng P4.4 milyon kapalit ng kanyang kaligtasan.

Dahil dito, ikinasa ng Intelligence Section at Drug Enforcement Unit ng Mabalacat City police ang entrapment sa ON Café and Restaurant.

Narekober mula sa mga suspek ang 50 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P340,000; 53 gramo ng cocaine na nagkakahalaga ng P265,000; 50 tableta ng ecstasy na nagkakahalaga ng P85,000; at tatlong vape cartridges na naglalaman ng marijuana na tinatayang P13,500 ang halaga.

Nasamsam din ang isang .40 Glock 22 Gen 4 pistol na may tatlong magasin at 33 bala, boodle money, limang smartphone, iba’t-ibang identification cards, at iba pang personal na gamit.