Kelot inawat kaibigan sa away, nasuntok, tepok

258 Views

NASAWI ang isang lalaki nang suntukin sa likod ng ulo nang kaniyang kaibigan matapos niyang awatin ito habang nakikipagtalo sa isa pa nilang kaibigan sa isang resto bar sa Quezon City noong Lunes ng madaling araw.

Kinilala ang nasawi na si alyas “Jerome”, 35, catering staff, habang agad namang sumuko ang suspek na si alyas “Raymond”, 28, kapwa residente ng Camarin, Caloocan

Sa naantalang ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), alas-1:40 ng madaling araw noong Lunes (September 22), nang maganap ang insidente sa isang Bar & Restaurant sa Quirino Highway, Brgy. Pasong Putik, Quezon City.

Batay sa imbestigasyon ni P/SSg. Moises Riel ng QCPD Pasong Putik Police Station 16, noong Linggo ng gabi (September 21) pumasok sa nasabing bar ang biktima at suspek kasama ang mga kaibigan para uminom.

Sa kasagsagan ng inuman ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang suspek sa isa nilang kaibigan kaya naman pumagitna ang biktima para awatin silla.

Ikinagalit ito ng suspek at sinuntok sa likod ng ulo ang biktima sanhi upang bumagsak ang biktima at nawalan ng malay.

Agad isinugod sa Commonweath Hospital ang biktima pero idineklara na itong dead on arrival.

Ilang sandali matapos ang insidente ay kusang sumuko ang suspek sa mga awtoridad.

Inihahanda na ang kaso laban sa suspek.