Yosi

Chinese nationals na may P900K na fake yosi tiklo

Bernard Galang Sep 25, 2025
310 Views

SAN FERNANDO City—Nasabat ng pulisya sa siyudad na ito noong Miyerkules ang tinatayang P900,000 halaga ng pekeng sigarilyo at naaresto ang ilang suspek na Chinese national sa checkpoint.

Pinahinto ng mga miyembro ng General Mamerto Natividad police ang isang Hyundai Starex van at isang reefer van sa Brgy. Mataas na Kahoy at doon nabuking ang mga kontrabando

Natuklasan ang 97 kahon ng sigarilyong More at tatlong kahon ng Marvel Red na walang kaukulang permit o legal na dokumento.

Ayon sa mga awtoridad, haharap ng kasong paglabag sa Republic Act 8293 (Intellectual Property Code of the Philippines) ang mga Chinese nationals na nahuli.

Pinuri ni Police Regional Office 3 (PRO-3) Director Brig. Gen. Ponce Rogelio I. Peñones Jr. ang aksyon ng checkpoint team.

“Sa pamamagitan ng mga hakbang gaya ng checkpoints at intelligence-driven interventions, napoprotektahan natin ang ating mga kababayan laban sa panganib ng mga pekeng produkto habang pinangangalagaan din ang integridad ng mga lehitimong negosyo,” ani Peñones.