MMDA

Rerouting plan para sa SONA inilatag ng MMDA

237 Views

NAGLATAG ng rerouting plan ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) bilang bahagi ng paghahanda sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Lunes, Hulyo 25.

Ayon sa MMDA magpapatupad ng zipper lane o counterflow lane sa southbound lane ng Commonwealth Avenue upang bigyang daan ang mga sasakyan ng mga opisyal ng gobyerno at bisita na pupunta sa Batasan Complex sa Barangay Batasan Quezon City.

Umapela ang MMDA sa mga motorista na maghanap ng alternatibong ruta dahil sa inaasahang mabigat na daloy ng trapiko sa Commonwealth Avenue.

Ayon kay MMDA officer-in-charge Baltazar Melgar aabot sa 1,133 tauhan ng traffic discipline office, road emergency group, sidewalk clearing operations group, flood control, at metrobase ang ikakalat sa kahabaan ng Commonwealth Avenue at mga pangunahing kalsada sa paligid ng Batasang Pambansa.

Nagsasagawa rin ng clearing operation ang MMDA Task Force Special Operations at Anti-Colorum Unit upang masiguro na walang nakabara sa gilid ng mga kalsada na makakaabala sa daloy ng trapiko.

Magpapakalat din umano ang MMDA ng mga ambulansya, trak ng bumbero, tow truck, mobile patrol units at motorcycle units ang MMDA sa lugar.