DPWH1 Source: Philippine Emergency Alerts

SUNOG SUMIKLAB SA OPISINA NG DPWH

722 Views

SUMIKLAB ang apoy sa tanggapan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Bureau of Research and Standards sa Quezon City nitong Miyerkules ng hapon.

Ayon sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog dakong 12:50 ng tanghali sa gusali ng Bureau of Research and Standards na matatagpuan sa National Irrigation Administration Road, malapit sa EDSA.

Mabilis na kumalat ang apoy kaya’t agad itinaas ang unang alarma, sinundan ng ikalawang alarma sa loob ng isang minuto, at umabot sa ikatlong alarma pagsapit ng alas-12:56 ng hapon.

Idineklarang fire out ng BFP ang sunog ng alas-1:49 ng hapon.

Patuloy na iniimbestigahan ng BFP ang pinagmulan ng sunog.

Samantala, sa isang social media post ay kinumpirma ng DPWH na walang dokumentong may kaungayan sa isinasagawang imbestigasyon hinggil sa maanomalyang flood control projects ang nasa gusali ng Bureau of Research and Standards na nasunog.

Ayon sa ahensya, nagmula ang sunog sa isang computer unit na sumabog sa loob ng Materials Testing Division. Sa kabila nito, walang napaulat na sugatan mula sa insidente.

Nagpadala na rin ng investigation team ang DPWH upang suriin ang nasabing sunog.