Calendar
Babae pinatay sa saksak ng ex-bf sa harap ng kanilang anak; suspek nag-suicide
PATAY ang isang 25-anyos na nursing attendant matapos saksakin ng dating ka-live in sa harap ng kanilang 2-anyos na anak na babae, habang sugatan naman ang suspek matapos magtangkang magpakamatay sa Quezon City noong Martes.
Patuloy na inoobserbahan sa East Avenue Medical Center ang 34-anyos na suspek matapos nitong saksakin ang sarili.
Ayon sa report, nangyari ang insidente pasado alas-3 ng Oktubre 21 sa bahay ng biktima sa Barangay Batasan Hills.
Dati umanong magkarelasyon ang biktima at ang suspek at nagkaroon ng tatlong anak pero naghiwalay noong Abril 2025.
Dahil dito, nakitira ang biktima sa kanyang mga magulang.
Nitong Miyerkules, habang naliligo ang ama ng biktima ay narinig niya ang pagsigaw ng anak na nagsasabing, “Ano, papatayin mo ako?”
Mabilis na lumabas ng banyo ang ama ng biktima pero bumungad sa kanya na duguan nang nakahandusay ang anak habang ang 2-anyos na anak na babae nito ay nakaupo sa sofa.
Agad binuhat ng ama ang kanyang apo at pumunta sa ikalawang palapag para ipaalam sa isa pang anak ang insidente na noon ay natutulog.
Tinungo ng mga rumespondeng pulis ang bahay ng biktima subalit pagdating doon ay naka-lock ang front door mula sa loob, kaya pilit nilang binuksan.
Nang mabuksan, bumungad sa kanila ang suspek na duguan na ring nakahandusay sa sahig at may saksak sa dibdib. Pinaniniwalaang nagtangkang kitilin na rin ang kanyang buhay matapos mapatay ang biktima.
Agad na dinala ang suspek sa Rosario Maclang Bautista General Hospital at kalaunan ay inilipat sa East Avenue Medical Center, kung saan isinailalim ito sa operasyon.
Dumating ang SOCO team mula sa Quezon City Police District Forensic Unit, sa pangunguna ni P/Maj. Eric Angay, at sa kanilang pagsusuri ay nakitang ang biktima ay nagtamo ng malalim na sugat sa leeg.
Patuloy pa ang imbestigasyon sa insidente.

