Isko

Yorme Isko sa MPD: Ang pulis ay dapat nasa kalsada, nakikita, nararamdaman ng tao

388 Views

NAGLABAS ng utos si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa pamunuan ng Manila Police District (MPD) na tiyakin ang maximum police visibility sa mga komersyal at pampublikong lugar sa buong lungsod sa panahon ng Kapaskuhan.

Ang direktiba ay inihayag ni Mayor Isko Moreno sa 4th Quarter Meeting ng Manila Peace and Order Council araw ng Huwebes kung saan ipinaalala ng alkalde sa MPD ang pagsunod sa inilabas na kautusan ni Philippine National Police (PNP) Acting Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr.

“Sundin natin ang utos ni Gen. Nartatez — ang pulis ay dapat nasa kalsada, nakikita, at nararamdaman ng tao,” sabi ng alkalde kasunod ng pahayag na maigting ang kampanya ng lokal na pamahalaan sa pagpapanatili ng katahimikan at kaayusan sa tulong ng MPD, barangay, at iba pang ahensiyang nagpapatupad ng batas.

Kabilang sa mga lugar na pinatututukan ng alkalde sa mga tauhan ng MPD ang Binondo, Recto, Quiapo, Ermita, Malate, at ang University Belt.

“Ngayong papalapit na ang Pasko, siguraduhin nating may presensiya ang pulis sa kalsada. Hindi lang sa mga presinto, kundi sa mga lugar kung saan naroon ang mga tao. Visible dapat ang pulis sa mga pangunahing lugar lalo na ngayong holiday season,” pagdidiin ni Mayor Isko.

“Ang gusto natin, ligtas, mapayapa, at maayos ang Pasko sa Maynila. Titiyakin natin ‘yan para sa mga Batang Maynila at sa mga bumibisita sa ating lungsod,” dagdag pa ng alkalde. Nina JONJON C. REYES & EDD REYES