Yosing peke nakuha sa Cabanatuan

Bernard Galang Oct 24, 2025
268 Views

CABANATUAN CITY–Nasamsam ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) noong Huwebes ang mahigit P10.3 milyong pekeng sigarilyo sa Brgy. Sanbermicristi, Cabanatuan City, Nueva Ecija.

Ayon sa CIDG Regional Field Unit 3 (RFU) Chief Col. Grant Gollod nasamsam ng mga tauhan ng CIDG Nueva Ecija Provincial Field Unit (PFU) sa pakikipagtulungan ng mga kinatawan mula sa Philip Morris Fortune Tobacco Company (PMFTC) ang mga pekeng yosi

Bitbit ang search warrant na inisyu ng Regional Trial Court Branch 28 ng Cabanatuan City, sinalakay ng mga awtoridad ang isang bahay sa Sanciangco Street Extension, Brgy. Sanbermicristi.

Nagresulta ang operasyon sa pagkakasamsam ng iba’t ibang klase ng pekeng sigarilyo na may tinatayang halaga ng P10,336,000.

Ayon sa mga awtoridad, ang may-ari ng bahay na siyang pakay ng search warrant ay wala sa lugar nang isagawa ang operasyon.

Sa ngayon, inihahanda na ng mga imbestigador ang mga kinakailangang dokumento para sa paghahain ng kaso laban sa suspek.

Pinuri ng mga opisyal ang matagumpay na operasyon na nagpapalakas sa kampanya ng CIDG laban sa pamemeke at ilegal na distribusyon ng mga produkto sa merkado.

“Patuloy ang pagtatalaga ng CIDG na protektahan ang publiko laban sa mga mapanganib at pekeng produkto sa merkado at papanagutin ang mga lumalabag sa batas,” ayon sa CIDG.