Lolo Source: File photo

Nawawalang lolo sa Quezon, nakitang dedo

Edd Reyes Oct 28, 2025
206 Views

NATAGPUAN na ang bangkay ng 69-anyos na lolo na iniulat na nawawala noon pang Linggo ng gabi makaraang makitang nakasubsob sa natuyong ilog sa Alabat, Quezon.

Mismong si Barangay Captain Sherwin Verdan ang nagtungo sa Alabat Municipal Police Station alas-8:00 ng umaga upang iulat ang pagkakatagpo sa bangkay ng kanilang kapitbahay na si alyas Bonifacio, residente ng Sitio Sulok, Brgy. Camagong, Alabat, Quezon na hinihinalang biktima ng pagkalunod.

Sa pagsisiyasat ng pulisya, huling nakitang buhay ang biktima alas-7:40 ng gabi noong Linggo habang nakikipag-inuman sa mga kamag-anak sa hindi nabanggit na lugar.

Ayon sa isa niyang nakainumang kaanak, nauna siyang umalis dahil nagsisimula ng bumuhos ang malakas na ulan at iniwanan ang biktima na nakikipag-inuman pa.

May hinala ang mga kaanak ng biktima na tinawid pa ng biktima ang ilog na lagi nilang dinaraanan pauwi kaya’t posibleng natangay ng malakas na agos, lalu na’t nasa impluwensiya pa ng alak.