Palaboy

Wiper boys, homeless sinagip ng MDSW

Edd Reyes Oct 31, 2025
391 Views

SINAGIP ng Manila Department of Social Welfare (MDSW) Disaster Team ang mga street dwellers sa kanilang mga tinatambayan makaraang makarating kay Mayor Isko Moreno Domagoso ang pananatili nila sa lansangan.

Unang pinuntahan nina MDSW Director Jay Reyes Dela Fuente ang abandonadong Fair Mart sa kanto ng Plaza Lacson at Carriedo St. sa Sta. Cruz noong Huwebes at sinagip ang mga palaboy.

Isinunod na lipulin ang mga wiper boys na madalas ireklamo ng mga motorista sa Roxas Boulevard na namamalimos gamit ang maruming basahan na ipinapahid sa salamin ng mga nata-trapik na sasakyan.

Kabilang sa mga na-rescue ng MDSW ang tatlong menor-de-edad na wiper boys, limang batang Badjao, mga batang namamalimos at ilang nakatatandang palaboy.

Ayon kay Dela Fuente, dinala muna nila ang mga nasagip sa Reception and Action Center (RAC) para sa paunang pagproseso bago nila ilitap sa Boys Town Complex sa Marikina para sa karagdagang pangangalaga at rehabilitasyon.

Tiniyak ni Dela Fuente na magtutuloy-tuloy ang kanilang mga programa para sa mga street dwellers upang matiyak ang kanilang kaligtasan, lalu na ng mga batang lansangan at mga matatanda na bantad sa sakit ngayong panahon ng taglamig.