Calendar
Source: BI
BI dinampot babae mula sa South Korea na wanted sa panloloko
INARESTO ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang isang babaeng South Korean na pinaghahanap sa kanilang bansa dahil sa malakihang panloloko.
Ayon sa ulat ng Fugitive Search Unit (FSU) ng BI na pinamumunuan ni Chief Rendel Ryan Sy, nakilala ang suspek bilang Shim, 46, na naaresto noong Oktubre 29 sa Onyx Road, Ortigas Center, Pasig City.
Sinabi ni Sy na isinagawa ang operasyon sa pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad ng Korea at mga ahensiyang pang-intelihensiya ng pamahalaan.
Batay sa rekord, si Shim ay may nakabinbing warrant of arrest na inilabas ng Suwon District Court noong Marso 6, 2024, para sa kasong panloloko sa ilalim ng Article 347 (1) ng Criminal Act ng Republic of Korea.
Ayon sa mga awtoridad ng Korea, niloko umano ni Shim ang mga biktima sa isang beauty salon sa Maynila mula 2016 hanggang 2018 sa pamamagitan ng pagpapanggap na nangangailangan ng pondo para sa bayad sa currency exchange sa isang hotel. Sa pamamagitan ng modus na ito, nakapambiktima siya ng humigit-kumulang ₱26.4 milyon (KRW 590 milyon) sa kabuuang 35 transaksyon.
Lumabas sa beripikasyon ng database ng BI na huling pumasok si Shim sa Pilipinas noong 2017 bilang turista. Gayunman, hindi siya nagsumite ng anumang aplikasyon para sa visa extension o conversion, dahilan upang maituring siyang isang overstaying alien.
Dagdag pa rito, natuklasan na mayroon siyang dalawang aktibong derogatory records — isang blacklist order at isang watchlist order na parehong inilabas noong Mayo 9, 2023 — dahil sa pagiging pugante. Naglabas din ang Interpol ng Red Notice laban sa kanya noong Hunyo 8, 2023.
Kasalukuyan siyang nakapiit sa pasilidad ng BI habang isinasagawa ang mga proseso para sa kanyang deportasyon.
Pinuri ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang matagumpay na operasyon at binigyang-diin na hindi magiging kanlungan ng mga pugante ang Pilipinas.
“Ang pag-aresto na ito ay malinaw na mensahe na hindi natin kukunsintihin ang mga dayuhang pugante na umaabuso sa ating kagandahang-loob,” ani Viado. “Gaano man sila katagal dito o gaano man kahusay ang kanilang mga pakana, matutunton sila ng ating mga ahente. Aabutin sila ng batas.”

