PNP1

Mga namayapang parak binigyang bugay ng PNP

435 Views

ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na patatagin ang kultura ng dangal, malasakit, at serbisyo sa ilalim ng Bagong Pilipinas, inilunsad ng Philippine National Police ang “Project Pagalala sa Kasamahang Pulis,” isang Undas tribute na inisyatiba ng Police Regional Office 1 para sa lahat ng pulis na pumanaw—sa tungkulin man o matapos ang mahabang taon ng paglilingkod sa bayan.

Inatasan ang lahat ng Station Commanders sa Police Regional Office 1 (PRO1) na bisitahin, kasama ang kanilang mga tauhan, ang mga puntod ng mga namayapang pulis sa kani-kanilang nasasakupan mula Nobyembre 1 hanggang 2, 2025.

Ang aktibidad na ito ay bahagi ng pinalakas na police presence sa mga sementeryo at memorial parks ngayong Undas.

“Sa PNP, walang bayani ang nakakalimutan,” pahayag ng Acting Chief PNP PLTGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr.

“Tapos man ang kanilang tour of duty, hindi natatapos ang legasiya ng kanilang serbisyo. Patuloy nating pinaparamdam sa kanila at sa kanilang pamilya na hindi sila iniwan ng organisasyon.”

Hinihikayat ang mga pulis na mag-alay ng kandila, panalangin, at kung maaari, magbigay ng mensahe ng pasasalamat sa mga pamilya ng mga yumaong kasamahan.

Binibigyang-diin naman ni PNP spokesperson PBGEN Randulf T. Tuaño ang tunay na diwa ng inisyatiba:

“Sa bawat suot nating badge ay magpapatuloy ang kanilang kwento,” ani Tuaño.

“Ang Project Pagalala ay hindi lamang simpleng pag-alala—ito ay paninindigan na ang sakripisyo nila ay may kabuluhan at hindi kaylanman malilimutan.”

Kasabay ng paggunita, bahagi rin ng aktibidad ang pagpapatupad ng seguridad sa pagdagsa ng publiko sa mga sementeryo ngayong Undas.

“Habang pinangangalagaan natin ang mga buhay, ginugunita rin natin ang mga nag-alay ng buhay. Ito ang mukha ng serbisyo sa ilalim ng Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman,”dagdag ni PBGen Tuaño.