Calendar
larawan sa FB ng napaslang na guro, Mark Christian N. Malaca.
Guro dedo sa riding-in-tandem sa Laur
LAUR, Nueva Ecija – Tinambangan at napatay ng hindi pa kilalang riding-in-tandem ang isang 39-taong-gulang na guro Martes ng hapon dito.
Kinilala ng hepe ng pulisya na si Major Joseph B. Morden ang napatay na biktima na si Mark Christian N. Malaca, binata, ng Bgy. San Fernando, ng bayang ito.
Nagmamaneho siya ng kanyang motorsiklo nang buntutan ng dalawang armadong lalaki sa Bgy. San Juan alas-4:35 ng hapon.
Lumabas sa imbestigasyon na ang mga suspek ay nakasakay sa isang itim na Kawasaki Bajaj na motorsiklo at nakasuot ng helmet na may facemask at itim na jacket nang maganap ang insidente.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng pulisya ang motibo sa pagpatay.
Samantala, kinondena ng pamahalaang bayan sa pangunguna ni Mayor Benjamin A. Padilla ang pagpatay kay Malaca. Sumisigaw din ng hustisya ang taumbayan para sa pamilya ng biktima.
“Si Sir Christian ay higit pa sa isang guro, siya ay isang mapagmahal na gabay, ulirang anak at inspirasyon sa ating kasalukuyang henerasyon,” pahayag ni Padilla.
Inatasan din ni Padilla ang kapulisan para sa isang malalim at komprehensibong imbestigasyob upang makamit ang hustisya para sa pamilya ng napaslang, komunidad at sa buong bayan ng Laur.
“Walang puwang sa ating pamayanan ang ganitong uri ng krimen,” ani Padilla.

