Suspek Ang larawan ng tatlong suspek.

Driver pinagtulungang saksakin, martilyuhin ng mag-ama, patay

Edd Reyes Dec 26, 2025
244 Views

DEDO ng 34-anyos na driver habang sugatan ang nakababata niyang kapatid nang pagtulungan ng mag-amang kapitbahay, kasama ang isa pa, ilang minuto bago ang Pasko sa Valenzuela City.

Hindi na umabot ng buhay sa Valenzuela City Emergency Hospital si Florencio Dela Cruz, residente ng Pinagbayanan St. Brgy. Lingunan sanhi ng tinamong mga saksak sa katawan at palo ng martilyo sa ulo habang sugatan ang 33-anyos niyang kapatid na si Jose na hinataw naman ng bote ng alak sa ulo.

Naaresto naman sa follow-up operation nina P/MSg Ronaldo Domadigo, P/SSg. Raynald Zaldivar at P/SSg Rommel De Robles ng Valenzuela Police Sub-Station-6 ang mag-amang sina alyas na “Jonard”, 46, at “John Mark”, 18, at barkadang si alyas “Roland”, 48, pawang residente rin ng Pinagbayanan St.

Sa tinanggap na ulat ni Valenzuela police chief P/Col. Joseph Talento, nagtungo ang mga biktima sa bahay ng kanilang kapatid na babae sa naturan ding lugar upang doon ipagdiwang ang Pasko dakong alas-11:15 ng gabi nang tawagin si Florencio ng mga suspek upang kausapin hinggil sa dati na nilang alitan.

Paglabas ng biktima, kaagad siyang sinuntok ni alyas Jonard at nang awatin ni Jose, siya naman ang hinataw ng bote sa ulo ng suspek kaya’t napilitang tumakbo ang dalawa nang pagtulungan na sila ng tatlong suspek.

Hinabol ng mga suspek ang magkapatid at nang abutan sa tapat ng isang ihawan sa Pinagbayanan St., dito na pinagsasaksak ni alyas John Mark ang nasawi habang pinagpapalo rin siya ng hawak na martilyo ni alyas Roland sa ulo bago nagsitakas nang mahandusay na ang biktima.

Lumabas sa imbestigasyon ni P/MSg. Alvin Pastores ng Investigation and Detective Management Section (IDMS) na nag-ugat ang alitan nang minsan ng sapakin ng biktima si alyas Jonard. Nagpositibo rin ang tatlo sa alcohol nang isalang sila sa medical examination.