Barzaga Dasmariñas City Rep. Francisco “Kiko” Barzaga

NUP itinutulak patalsikin Barzaga sa Kamara

144 Views
Puno2
Deputy Speaker Ronaldo Puno

ITINUTULAK ng National Unity Party (NUP) ang posibleng pagpapatalsik kay Dasmariñas City Rep. Francisco “Kiko” Barzaga mula sa Kamara de Representantes, habang naghahanda rin itong magsampa ng hiwalay na mga kaso laban sa kanya sa labas ng Kongreso, ayon kay party chairman at Deputy Speaker Ronaldo Puno ng Antipolo City nitong Biyernes.

“Sa tingin ko, nakabababa ito ng dignidad ng Kamara na mayroong katulad niya roon,” pahayag ni Puno sa isang press conference. “Kaya baka naman isaalang-alang ng Kamara na i-expel na lang siya para wala nang ganitong problema.”

“I-expel na rin siya kasi parang talagang lantaran na pagbalewala sa lahat ng nangyayari,” dagdag ni Puno.

“Baka puwedeng i-expel na lang natin ’yan kasi mukhang walang katapusan ang problemang ito hangga’t hindi siya natatanggal,” aniya.

Dahil sa patuloy na mga pahayag at kilos ni Barzaga, sinabi ni Puno na ikinokonsidera na ngayon ng NUP ang pagsasampa ng panibagong reklamo na maaaring humiling ng tuluyang pagpapatalsik ng kongresista.

“Baka mag-file pa kami ng bagong complaint kasi ang nangyari rito, paulit-ulit na parang binabalewala ang mga desisyon ng Ethics Committee at binabalewala ang mga desisyon ng Kongreso nitong si Congressman Barzaga,” sabi niya.

Sinabi rin ni Puno na isasama ng partido ang kontrobersyal at mapanlait na post ni Barzaga tungkol sa yumaong Antipolo City Rep. Romeo Acop.

“Oh yes, definitely [isasama namin]. Definitely,” ayon kay Puno.

“Alisin na lang siya sa Kongreso siguro,” dagdag niya.

Sinabi ni Puno na wala pa silang natatanggap na tugon mula sa House committee on ethics hinggil sa fitness determination na una nilang hiniling laban kay Barzaga.

“Wala pa, dahil wala pa kaming sessions. Siguro inaasahan ko na baka pagsapit ng ika-26 [ng Enero] ay lumabas na ang kanilang sagot,” ani Puno.

Inakusahan ni Puno si Barzaga ng masamang loob at paulit-ulit na pagbibintang na umano’y walang batayan.

“At saka bad faith na siya kasi susunod tapos hindi, tapos he comes up, nag-iimbento ng kung anu-ano,” hinaing ni Puno. “Hindi talaga ito asal ng isang tunay na mambabatas. Parang naging laro-laro na lang.”

Pinuna rin ni Puno si Barzaga dahil sa malinaw umanong kakulangan nito sa pag-unawa sa mga patakaran ng Kamara, partikular sa mga privilege speech.

“Sa Kongreso, hindi puwedeng mag-privilege speech na ina-atake mo ang kapuwa mong kongresista. May rule na ganyan,” aniya. “Ipinapakita rin nito na ignorante siya sa mga patakaran ng Kongreso.”

Sa isang punto, ayon kay Puno, kailangang magtakda ng malinaw na hangganan ang Kongreso.

“Kailangan nating gawing halimbawa ang isang taong lantaran na sumusuway sa lahat ng pinaninindigan ng Kongreso at nagdudulot ng kalituhan at tunay na sumisira sa reputasyon ng lahat ng naroon,” aniya. “Mahirap naman na pabayaan na lang ang ganito.”

Bukod sa mga posibleng parusa sa loob ng Kamara, sinabi ni Puno na naghahanda rin ang partido na magsagawa ng legal na aksyon sa labas ng Kongreso, partikular kaugnay ng mga pahayag na aniya’y personal na pag-insulto sa mga miyembro ng NUP.

“Hindi pareho ang gagawin doon. Kasi kahit i-file mo sa korte, hindi naman iyon aksyon ng Kongreso,” paliwanag niya. “Kaya sa tingin ko, pareho naming gagawin.”

Binigyang-diin ni Puno na hindi na sapat ang suspensiyon, lalo na’t nagpatuloy pa rin umano ang mga ginagawa ni Barzaga sa kabila ng mga naunang parusa.

“Hindi na lang sa hindi natuto, lalo pang lumala ang ginagawa at parang binabalewala niya ang lahat. He is mocking Congress, parang pinagtatawanan niya ang Kongreso,” ani Puno.

Sinabi rin ng NUP chairman na ang umano’y mga kasinungalingang ikinakalat laban sa mga miyembro ng partido ay nakaaapekto sa kanila nang personal at politikal.

“Personal na pag-insulto sa amin ’yan,” aniya. “Tapos ang ikinakalat nitong Barzaga, itong kasinungalingang ito na sinusuhulan kami para sa eleksiyon sa Speaker na nanalo na.”

Para kay Puno, layunin nilang hindi na maging patuloy na sagabal ang isyu.

“Kaya sa tingin ko, para hindi na lang maging distraction ito sa lahat ng problemang hinaharap natin,” aniya.

Nauna nang kinondena ni Puno ang pinakahuling mga post sa social media at mga pampublikong pahayag ni Barzaga, na inaakusahan ang mga miyembro ng NUP na tumanggap umano ng suhol, at inilarawan ang mga alegasyon bilang walang basehan, pabaya at may masamang layunin.

Ipinahayag ni Barzaga, bukod sa iba pa, na umano’y tumanggap ng suhol mula sa negosyanteng si Enrique Razon ang mga kongresista ng NUP upang suportahan si dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa halalan noong 2025.