Hontiveros

Hontiveros sa mga Discaya: Record ng mga projects isumite sa Senado

129 Views

HINAMON ni Senator Risa Hontiveros ang mga kontratistang sina Curlee at Sarah Discaya na patunayan ang kanilang sinasabing pakikipagtulungan sa pamahalaan sa pamamagitan ng pagsunod sa utos ng Senate Blue Ribbon Committee na magsumite ng mga rekord ng kanilang flood-control projects mula 2016 hanggang 2022.

“Kung gustong ipakita ng mag-asawang Discaya na nais nilang makipagtulungan sa pamahalaan at ilahad ang kanilang nalalaman, dapat na silang sumunod sa halos 4 na buwan nang utos ng Senado na ibigay ang records ng projects nila mula 2016 hanggang 2022,” ani Hontiveros sa pinakahuling pagdinig ng Senado hinggil sa umano’y anomalya sa flood-control projects.

Ito ay matapos magreklamo si Curlee Discaya ng umano’y “modern-day robbery” kaugnay ng hinihinging pagbabalik ng sinasabing ill-gotten money bilang bahagi ng bigong aplikasyon ng mag-asawa sa Witness Protection Program.

Ayon kay Hontiveros, hindi dapat magpakita bilang biktima ang mga Discaya dahil matagal na umano nilang binabalewala ang mga utos ng Senado, kabilang ang pagsusumite ng financial ledgers at iba pang dokumento kaugnay ng flood-control projects mula 2016 hanggang 2022.

“September 25, 2025 pa yung order ng Senate Blue Ribbon Committee na iturn over ang kanilang records, at sabi ni Curlee Discaya noon, under oath, na susunod sila. Ngayon 2026 na, at kahit pa nag follow up na ang komite, wala pa ring isinusumite ang mga Discaya. Ang bilis nila umoo noon, ngayon ang daming palusot,” ani Hontiveros.

Ipinaliwanag ng senador na mahalaga ang mga rekord matapos aminin ni Sarah Discaya sa ilalim ng panunumpa na nagsimula silang makakuha ng flood-control contracts noong 2016.

“Ayon nga sa datos ng komite, halos P207 billion in government contracts ang nakuha ng Discaya companies mula 2016 hanggang 2025, kaya mahalaga na masilip lahat iyan,” ani Hontiveros.

Bagama’t sinabi ni Senate Blue Ribbon Committee chair Panfilo Lacson na tutugunan niya ang isyu kaugnay ng mga rekord ng mga Discaya, iginiit ni Hontiveros na hindi nito inaalis ang obligasyon ng mag-asawa na sumunod sa utos ng Senado.

“Ewan ko ba kung bakit binabato pa ng mga Discaya sa iba ang responsibilidad na sumunod sa utos ng Senate Blue Ribbon Committee,” ani Hontiveros.

Patuloy ang imbestigasyon ng Senado bilang bahagi ng mas malawak na pagsisiyasat sa mga umano’y iregularidad, kabilang ang posibleng overpricing at maling paggamit ng pondo ng bayan, sa mga flood-control projects sa iba’t ibang panig ng bansa.