Voucher

Mas malawak na voucher program itinutulak

197 Views

ISINUSULONG ni Senator Sherwin Gatchalian ang pagpapalawak ng voucher program ng pamahalaan upang masaklaw ang mga mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 6 na naka-enroll sa mga pribadong paaralan, bilang bahagi ng pagsisikap na matulungan ang mga pamilyang mababa ang kita at mabawasan ang siksikan sa mga pampublikong paaralan.

Sa ilalim ng panukala, ipatutupad ang isang iisang voucher system para sa lahat ng antas ng pribadong basic education. Ayon kay Gatchalian, mahalagang matiyak na ang tulong ng pamahalaan sa mga pribadong paaralan ay direktang napupunta sa mga estudyanteng higit na nangangailangan.

“Tutulong tayo sa pribadong paaralan, pero ang benepisyo dapat diretso sa mga estudyanteng higit na nangangailangan,” ani Gatchalian.

Nakasaad din sa panukala ang pagbibigay-prayoridad sa mga mag-aaral mula sa low-income households at sa mga nagtapos ng Alternative Learning System.

Inihain ni Gatchalian ang Government Assistance to Private Basic Education Act o Senate Bill No. 364 upang tugunan ang mga kakulangan sa pagpapatupad ng mga umiiral na programa sa ilalim ng Government Assistance to Students and Teachers in Private Education, kabilang ang Senior High School Voucher Program at Educational Service Contracting.

Noong 19th Congress, pinangunahan ni Gatchalian ang isang imbestigasyon sa Senado na nagbunyag ng bilyong pisong sinasabing leakages sa Senior High School Voucher Program at Educational Service Contracting. Binanggit din sa naturang pagdinig ang isyu ng umano’y ghost students sa Senior High School Voucher Program.

Ayon kay Gatchalian, kinakailangan ang mga reporma upang matiyak na ang pondong inilaan para sa tulong pang-edukasyon ay nagagamit nang tama, nakatutulong sa mga nangangailangan, at nakababawas sa pagsisiksikan sa mga pampublikong paaralan habang pinalalawak ang access sa edukasyon.