Calendar
PNP-ACG: Mga pekeng dentista naglipana
NAGBABALA muli nitong Biyernes ang Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) sa publiko na maging mapagmatyag laban sa pagdami ng mga pekeng dentista na nag-aalok ng mas murang serbisyong dental online sa bansa.
Sa utos ng Acting PNP Chief na si Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr., sinabi ng PNP-ACG na pinamumunuan ni Brigadier General Wilson P. Asueta na lalo pa nilang pinaigting ang kampanya laban sa mga ilegal na serbisyong dental na iniaalok online.
“Sa iba’t ibang panig ng bansa, nahuhuli na ang mga pekeng dentista sa aktong paggawa ng ilegal na gawain, upang maprotektahan ang mga inosenteng Pilipino laban sa seryosong panganib sa kalusugan habang mahigpit na ipinapatupad ang batas,” ayon sa hepe ng PNP.
Noong Enero 15, nagsagawa ng entrapment operation ang mga undercover na operatiba ng Sorsogon Provincial Cyber Response Team na humantong sa pagkakaaresto ng isang 20-anyos na babae na sangkot sa hindi awtorisadong serbisyong dental.
Ang suspek ay nahaharap sa kasong kriminal sa ilalim ng Seksyon 33(a) ng Republic Act 9484 o Philippine Dental Act of 2007, kaugnay ng Seksyon 6 ng Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.
“Hindi natin papayagan na may mga taong manloko at maglagay ng panganib sa buhay ng publiko. Kaya patuloy nating palalakasin ang ating cybercrime operations para protektahan ang bawat Pilipino,” pahayag ni Lt. Gen. Nartatez.
Ayon naman kay Brig. Gen. Asueta, ang kanilang mga operasyon mula pa noong nakaraang taon ay nagresulta na sa pagkakakulong ng ilang pekeng dentista sa bansa.
Binanggit din niya ang kaso ng isang mag-live-in partner na nahatulan ng Regional Trial Court (RTC) ng Pasay City dahil sa pag-aalok ng serbisyong dental nang walang lisensya.
Ang 24-anyos na lalaki at ang kanyang 23-anyos na kinakasama ay hinatulang magbayad ng alternatibong parusa na umaabot sa ₱380,000. Sila ay kapwa inaresto noong Hulyo ng nakaraang taon sa isang entrapment operation na isinagawa ng Regional Anti-Cybercrime Unit 6.
“Mag-ingat po ang lahat kapag naghahanap ng serbisyo online. Siguraduhin na lisensyado ang practitioner. Kaligtasan ninyo ay hindi dapat isugal,” paalala niya sa publiko.
Noong Enero 14, inaresto rin ng Regional Anti-Cybercrime Unit 10 (RACU 10) ang isang 22-anyos na babae dahil sa pagsasagawa ng hindi awtorisadong dental procedures sa Cagayan de Oro City.
Siya ay nahaharap sa kaparehong mga kaso sa ilalim ng Philippine Dental Act at Cybercrime Prevention Act.
Isa pang pekeng dentista na may alyas na “Gemma” ang naaresto rin sa Cagayan de Oro City sa isang operasyon ng RACU 10 noong Enero 14.
Samantala, isang kahalintulad na manloloko na may alyas na “Trixie” ang nahuli ng mga ahente ng RACU 5 sa isang entrapment operation sa Sorsogon City, lalawigan ng Sorsogon, noong Enero 15.
Ang mga suspek ay pormal nang kinasuhan sa korte.
Muling pinaalalahanan ni Brig. Gen. Asueta ang publiko na maging maingat sa paghahanap ng mga serbisyo online, at binigyang-diin na ang mga dental procedure na isinasagawa ng mga walang lisensya ay nagdudulot ng matinding panganib.
“Ang mga ilegal na gawaing ito ay naglalagay sa buhay ng mga tao sa peligro. Patuloy na paiigtingin ng PNP-ACG ang operasyon laban sa mga indibidwal na ginagamit ang online platforms upang mag-alok ng hindi awtorisado at mapanganib na mga serbisyo,” aniya.
“Nanawagan kami sa lahat na mag-ingat sa paghahanap ng serbisyo online. Ang pakikipagtransaksyon sa mga walang lisensyang practitioner ay hindi lamang labag sa batas kundi naglalagay rin sa panganib sa kalusugan at kaligtasan ng publiko,” dagdag pa niya.

